Nagmumukhang napakabigat na ang mundo mo noong bata ka pa lamang. Naiwan mo ang paborito mong laruan sa bahay noong umalis kayo ng pamilya mo papunta sa bayan, o kaya ay hindi mo sinasadyang mawala ang kwintas ng Nanay mo. Naalala ko pa ito.
Umiiyak kang tumakbo sa Lola mo, takot na sabihin sa iyong Nanay. “Lola, hindi ko po mahanap ang kwintas ni Mama,” hagulgol mo.
Hinaplos ni Lola ang mga pisngi mong may bahid ng luha, hindi nababahala, hindi nagmamadali. “Nako eh ano ang ginagawa mo bago ito mawala?”
“Naglalaro po ako sa kwarto nila Mama at Papa… at natamaan ko po ang lagayan ng alahas… tapos po sinubukan ko pong hanapin ito kung saan-saan sa kwarto… pero wala talaga.”
Tumango lamang ang Lola mo "Kapag hindi mo na alam ang gagawin, sabihin mo lang: 'Bathala na'. Ibig sabihin niyan, naniniwala kang aayusin ni Bathala ang lahat para sa'yo. Subukan mo," ani niya.
Tumingala sa langit ang maliit mong mata. Naisip mong pisikal mong binibigay ang iyong problema sa isang nilalang sa langit bago sabihin ang pariralang dadalhin ng hangin at papunta sa akin.
“Bahala na.”
“Ngayon, halika at hanapin natin ang kwintas ng Mama mo,” inalok ng Lola mo ang kanyang kamay habang nakangiti at kayo ay bumalik sa kwarto ng iyong magulang. Isang kamangha-manghang bagay ang nangyari para sa iyo.
Pagkatapos lang ng kaunting paghahanap, nakita mo ang nawawalang kwintas. Nagniningning sa ilalim ng aparador kung saan alam mong sinuri mo na ito nang maraming beses bago ka pang pumunta sa Lola mo.
Napatalon ka sa tuwa, hawak-hawak ang kwintas. “Lola! Lola! Gumana siya!”
Ang laki ng ngiti mo noon at mula sa araw na iyon, naging bukambibig mo na ang “Bahala na.” Sa bawat tulong ko ay napalitan ang iyong takot at pag-aalinlangan sa tiwala.
Pero sa iyong paglaki, bihira ka nang tumatawag sa akin.
Naglalabas ng ulat sa isa pang iskandalo, ngunit hindi mo man lang inaabot ang remote. Sumandal ka lang sa inuupuan mo. ang kumikislap na liwanag na naghahagis ng mahabang anino sa iyong mukha. Sa labas, ang maindayog na hampas ng martilyo ng isang kapitbahay at ang malayo na mga sigaw ng rally ay naririnig sa TV.
“Oh well… Bahala na… or something,” may bahid ng inis ang bulong mo. Pagod ka na nga sa eskwelahan, nakakapagod pa ang mga isyu.
Nag-scroll ka sa iyong telepono, natatawa sa mga video at pinapadala ito sa iyong mga kaibigan. Pagkatapos ng ilang minuto ay nakita mo ang headline at larawan ng mga bundok ng hindi nakolektang basura, mga balita tungkol sa mga nawalan ng tahanan, at sa maraming hate posts at comments nito.
"Ugh… Why is it like this?" ani mo. “Bathala naman oh, bat ganito ang buhay nila? Fix it.”
Ipinapalagay mo na ang mundo ay maaayos sa isang parirala lamang. Sinasabi mo sa iyong sarili na ang mga problema ng mundo ay napakabigat para sa iyong mga balikat, kaya't isasalansan mo ang lahat ng ito sa "Bahala na." Sinisikap kong abutin ang iyong puso upang ipakita sa iyo na kailangan mong kumilos laban sa mga kasamaan, ngunit ikaw ay may iba pang mga prayoridad kaysa sa mga nangyayari sa iyong sariling lupa. Inihagis mo ang iyong telepono sa unan at tinignan mo ang litrato ng Lola mo sa altar. Akala mo tamad ka lang. Akala mo wala kang magagawa upang makatulong. May magagawa ka, kailangan mo lang magsimula.
At ilang taon ang lumipas nang napatawag ka muli sa akin.
Mas matanda ka na ngayon, ang dating inosente mong mga mata ay parang pagod na pagod na. Kauuwi mo lang galing sa palengke, sinubukan mong bilhin ang kailangan ng iyong pamilya ngunit alam mong hindi ito sapat. Nag-flash ang iyong telepono at nang suriin mo, hindi mo nanaman nakuha ang trabaho na iyong inaplayan.
Nagdadalamhati ka pa rin para sa Lola mo at ginagawa mo ang iyong makakaya para kumita ng kahit anong pera para suportahan ang magulang mo. Sinusubukan mo lamang mabuhay habang nahaharap sa kakila-kilabot na lokal at internasyonal na mga isyu. Patuloy lang ito tutatambak.
Ikaw ay nagpakawala ng buntong-hininga. Hinahanda ang sarili para tahimik na panalangin, ang dinadala mo sa loob mo. "...Bathala, nandiyan ka pa ba?"
Oo at ramdam ko ang iyong pagod.
At nang hindi ka makatulog, nakatitig ka lamang sa iyong telepono: sa mga headline ng pagbagsak ng ekonomiya, pag-init ng karagatan, ang kalupitan ng mga tao, at marami pang iba. Nakisama ka sa mga protesta. Nag-post ka ng may katunayan at katotohanan. Nakisali ka sa mga tumutulong sa kapwa. Ngunit ang mundo ay tila pinipiga ang mga bagay na iyong ipinaglalaban. Hindi mo alam kung ano ang dapat unahin: isyu ng lipunan? pag-aalaga sa pamilya? sarili?
Napapikit ka nalang at napabulong, “Bahala na.”
Binigyan ko kayong lahat ng kapangyarihan ng pagpili. Pagpili kung ano ang gagawin niyo. Pinipukaw ko ang puso ng mga hindi mo pa nakikilala at pinapalakas ang puso ng mga taong kilala at pinagkakatiwalaan mo para makagawa ng tamang desisyon. Sila rin ay nakadarama ng parehong bigat sa mga pangyayari ngayon. Sa paglipas ng panahon ang iyong mga landas ay magiging isa at sama-sama, magkakaroon kayo ng lakas ng loob na tumayo muli.
Hindi ko maaayos ang mundo para sayo. Hindi kayo mga kwento na kaya kong muling isulat at kontrolin. Ngunit masisiguro kong hindi masasayang ang iyong mga pagsisikap. Nalulungkot ako para sa mga sumisira sa aking mga nilikha ngunit umaasa ako na ang mga taong tulad mo ay makakagawa ng pagbabago.
At para bang narinig mo ang mga nasabi ko, ikaw ay nagising.
“One step at a time… pero for now, Bahala na,” ani mo.
Pusong puno ng determinasyon, ikaw ay naglalakad papunta sa iyong laptop. Binuksan mo ito, at ang iyong mga kamay ay nag-type sa keyboard, alam na alam kung ano ang isusulat. Alam mo ang kaya mong gawin para mahanap pa ang mga taong katulad mo.
At pagkatapos ay nakita ko kung ano ang iyong tina-type…



