Sa likod bahay kung saan itinutuyo ng araw ang mga sinampay, naroon siya—ang aking Indu (Ina), nakasubsob ang mga kamay sa tubig ng batya na tila hindi nauubos ang bigat ng nilalabhan.
Hindi lang tela ang kanyang hinahawakan.
Kung hindi ang mga punit nito na hindi ko ipinapakita.
Mga mantsang hindi ko inaamin.
Mga bahagi na ako mismo ang nakasira, pero ayaw kong sabihin.
Sa kanyang mga kamay, ang puntas ay hindi lamang tela—kung hindi buhay na kailangang basahin at kailangang intindihin.
May mga hibla na kailangang higpitan hanggang sumuko ang mga dumi.
May mga hibla na kailangang iwasang mapwersa, dahil sa isang maling diin, mawawasak ang kabuuan.
Alam niya iyon.
Alam niya kung kailan at saan dapat masaktan ang tela para ito ay luminis.
At kung kailan dapat haplusin lang, dahil may mga sugat na lalong lumalalim kapag ito ay pinipilit.
Ganoon din ako, ang kanyang anak.
Madalas ay hindi ko na kayang dalhin ang sarili kong gusot.
Ako na minsang gustong kusotin ang lahat—kahit ako pa ay masira.
Pero hindi niya ako ginanon.
Isinasampay niya ako sa tirik na araw na parang hindi ako natatakot masunog.
Hinahayaan akong sumabit sa hangin, pilit na tinutuyo ang mga bahaging ako mismo ang binabasa ng luha.
At habang ako ay ipinatutuyo sa liwanag, ang aking Indu naman ang unti-unting nabibigatan sa lilim.
Paglubog ng araw, ako ay malinis na tila walang nangyari.
Pero siya—may bahid pa rin ng sabon sa balat, at bigat na hindi niya kailanman hinubad.
At doon ko naunawaan: ang pagkalinga niya sa akin ay hindi lang paglilinis.
Ito ay pag-alam kung kailan kailangang masaktan para maghilom, at kung kailan kailangang pabayaan muna para hindi tuluyang mapunit.
Parang tela—marupok, kumplikado, at mahalaga.
At siya—ang aking Indu, ang tanging nakaaalam kung paano ako hindi tuluyang masira.



