Noong ako’y bata pa, ang buong akala ko’y isang bukas na libro ang buhay ng isang tao. Ang akala ko’y kailangan lamang nating basahin ang kwento na nasa librong ito, hihintayin lamang ang bawat kabanata na nakatakda para sa atin. Ngunit habang tumatagal, kung mayroon man akong napagtanto habang ako’y tumatanda, iyon ay hindi pala sa ganoon gumagana ang buhay natin. Hindi pala tayo pinanganak upang manood lamang at maghintay kung anong mga susunod na mangyayari sa ating buhay.
Ngayon ko lamang naunawaan kung bakit ako tinuruan ng aking nanay kung paano magsulat noong ako’y dalawang taong gulang pa lamang—sapagkat sa buhay, bibigyan tayo ng kaniya-kaniya nating kagamitan upang isulat ang sarili nating kwento—mga piraso ng blankong papel at isang panulat.
Pero sa buhay, hindi lapis ang iaabot sa ating mga palad, dahil bawal nang burahin ang mga desisyong gagawin natin dito sa mundong ibabaw. Pinag-isipan mang mabuti o hindi, wala nang bawian. Ito rin siguro ang numero unong dahilan kung bakit ayaw na ayaw nating nagkakamali, dahil akala nati’y ganoon na tayo makikita ng ibang tao panghabangbuhay—sa ating mga pagkakamali lamang. Na para bang ang bawat maling salita ay tatak na kailanma’y hindi na mabubura. Kaya naman sa tuwing mayroong guhit na hindi tama, pinupunit natin ang pahina—walang pag-aatubili at marahas.
Hindi naman masamang pumunit ng ilang papel sa mga panahong namamali tayo sa pagsusulat, para na rin sa ganoon ay magmukhang malinis ang bawat pahina ng ating kwento o kaya nama’y para na rin walang matitirang bahid ng ating pagkakamali—dahil walang bura-burang letra, lalo na’t hindi naman lapis ang ating ginamit.
Ngunit kung pag-iisipang mabuti, sa bawat pagpilas natin ng pahina, para na rin nating pinatay ang mga bersyon nating bumubuo sa pagkatao natin ngayon. Paano na lamang tayo makakarating sa kalagitnaan ng libro kung punit tayo nang punit dahil sa ating mga maling desisyon? Hindi ba’t malilito ang mga nais bumasa rito?
Marami sa atin ang hindi alam kung gaano kasarap magkamali. Oo, minsa’y masakit, minsa’y nagiging dahilan ito ng pagbagal ng ating paglipat mula sa isang kabanata papunta sa kasunod. Masarap ang magkamali, lalo na kung ika’y sabik sa pagkatuto.
Ganoon ang buhay. Hanggang sa hindi mo natututunang tanggapin ang iyong mga pagkakamali, patuloy ka nitong papaikutin hanggang sa mahanap mo ang tamang paraan ng pagpili.
Sa buhay, kailangan nating tanggapin ang mga maling bagay na ating nagawa bago pa man magsimulang magsulat muli. Dahil sa paraang iyon, mas matututuhan natin kung paano maiiwasan ang mga bagay na iyon sa oras na nais na ulit nating ituloy ang kwento ng buhay natin. Mapagtatanto nating malayo na pala tayo sa mga maling bagay na nagawa natin noon, dahil natutuhan na nating mag-ingat upang hindi na maulit ang mga iyon—hindi dahil hindi na tayo nagkamali, kundi dahil hindi natin kailanman hinayaang doon lamang magtatapos ang ating kwento.
Dahil kung matiyaga nating iisipin, mas magkakalaman ang ating kwento kung kukupkupin natin ang mga pahina kung saan tayo nagkamali, dahil ito rin ang magpapaalala sa’yo kung paano ka nakarating sa malayong pahina.
Hanggang sa isang araw, mapapansin mo na lamang na tuloy-tuloy na ang iyong pagsusulat. Hindi man ito perpekto, minsan ma’y nanginginig ang iyong mga kamay sa pagsulat, napapahinto man paminsan-minsan, sa bawat dapithapon ay mapagtatanto mong may mga susunod pang kabanatang naghihintay sa’yo sapagkat hindi mo piniling sumuko.



