Ika-14 ng Pebrero, 2025. Pagpatak ng alas siyete ng umaga, pumasok ako sa silid-aralan namin para lang ibaba ang aking gamit. Itinalaga ako at mga iba pang tao upang mag-manage ng Battle of The Bands. Habang naggugupit kami ng mga palamuti para ilagay sa entablado at nagaayos din kami ng mga crochet na bulaklak upang ibenta namin sa aming booth.
Ngunit, bakit ko nararamdaman na may mangyayaring masama?
“Wala namang mangyayari, ‘di ba?,’ ang sabi ko sa kaibigan kong kasama ko sa paghahanda para sa okasyong ito. Gininhawa naman niya ang aking kutob—'di naman niya gagawin iyon sa'kin.
Matapos ang ilang oras, nagsimula na ang okasyon. Ang mga emcee ay isa-isang pinakilala ang mga banda na magtatanghal—kasama na ang banda ng crush ko. Alam ko ang kakantahin nila—'Ako Na Lang’ ni Zia Quizon at ‘Isang Anghel’ ni Zild. Ang mga kantang ito ay tungkol sa pagkakaroon ng crush at pagiging hopeless romantic.
Napatanong na lang ako: Tungkol ba ito sa akin?
Pero ‘wag muna magalala. Kutob ko lang ‘yon; ang kutob ay minsa'y mali. At sana, magkamali ako.
Naririnig ko ang unang segundo ng mga kanta. Ang unang pagpatak ng drumstick sa mga tambol. Ang unang kalabit ng gitarista sa kaniyang gitara. Ang unang liriko na kinanta ng bokalista nila. Patuloy-tuloy lang sila; ano ba naman ang karapatan ko para maitigil ko ang kanta, ‘di ba?
Kaya habang nakaupo ako sa tabi ng pavilion; ang luha ko'y unti-unting pumatak nang tahimik. Ang likod ko'y kuba, kinukumpara ang sarili kay Quasimodo—isang taong nagmamahal nang lubos, kahit alam niyang wala siyang pag-asa—kasi alam kong hindi akong karapat-dapat sa kaniya.
Alam ko ‘yan—katatawanan lang ako kung i-video nila ako o ipagtambal kami, eh.
Hinihintay ko na lang na matapos ito. Hinihintay ko na lang na tumunog ang kampana sa aking utak. Sa katangahan ko, bumili pa nga ako ng dalawang singsing. Tiningnan ko ulit ito: isang bughaw at isang dilaw; para sa sinuot namin sa color coding.
“Tatlong minuto lang, ‘di ba? Kaya ko itong tiisin.”
Iyan lamang ang tumatakbo sa isipan ko noon. Ngunit, hindi ko na matiis. Noong nasa huling bahagi na sila ng kanta, pinikit ko na lang ang aking mata—dinadamdam ang kantang alam ko'ng tungkol sa akin—at tinatandaan ko ang unang mga alaala nang mabilisan—para malaman kung saan ako nagkasala.
Noong unang araw ng pagpasok namin sa paaralan namin, may dalawa akong nakita: ang aking katabi, na nagsawa sa akin dahil ang bukambibig ko lagi ay ang pangalawang tao: ang nakita ko sa mata dahil nasa harapan ko siya. Habang tinatandaan ko ang unang markahan, may isang kasalanan akong ginawa: ang umamin agad. Bugso ng damdamin, kung masasabi ng iba.
Halata na kasi ako.
Ang nangyari, napagtripan kami. Marahil, napagtripan siya, gamit ako. Noong una nga, naawa pa ako sa kaniya. Pero, unti-unti ko nang nabubuklat ang katotohanan: ipinagkalat niya ang pag-aamin ko, at inamin niya na ginagamit niya lang ako—pero ‘di naman sa'kin. Wala naman siyang katapangan para kausapin ako eh.
Pinagyabang pa niya sa kaniyang kaibigan.
At ito ang aking ikalawang kasalanan: noong narinig ng kaibigan ko iyon at sinabi sa akin, hindi ako naniwala. Tinanong ko pa nga sa iba eh; wala raw silang narinig. Sa aking kabulagan, ang damdamin ko'y ‘di pa rin mawala-wala. Tanda ko nga—lahat ng kaibigan ko, sinasabi na dapat tumakbo ako papalayo sa kaniya. Tumakbo naman ako—papunta sa kaniya, sa kasamaang palad.
Natapos na ang una at ikalawang markahan, ngunit mahal ko pa rin siya.
Napapunta ako sa kasalakuyan, dahil halos wala na akong matandaan. Ang natatandaan ko lang noon ay wala akong maramdaman. Nakatulala lang ako sa bahay niya kung wala akong ginagawa, at kung meron naman ay halos ‘di na ako makasalita. Wala rin sila magawa—alam na nila naman lahat. Alam naman nila na minahal ko siya, at ang nakuha ko? Wala. May nakuha naman siya—mga sagot ko sa sipnayan.
Itinaas ko na ang ulo ko; ang kamay ko ay nanginginig, pero kinalma ko na ang sarili ko. Sinandal ko na lang ang likuran ko sa katabi kong poste at sinarado ang aking kamay, para magpahinga kahit sandali lang. Kinaya ko naman ang tatlong minuto ng kantang iyon, ngunit may nagbago sa akin.
Noong punto na iyon hangga't sumakay ako sa sasakyan ng service namin, halos nasira na ako.
Pinilit kong kausapin ang aking kaibigan ko na lagi kong katabi sa dyip, para naman ‘di ko matandaan ang nangyari kanina. Pero, wala pa rin. Hindi ko maalis sa isipan ko ‘yung guitar solo niya sa kantang iyon. Tandang-tanda ko pa rin ‘yung pagtitig niya sa aking mata.
Kahit na ganoon ang nangyari, bakit mahal ko pa rin siya?
Bakit hindi ko pa rin siya matanggal sa puso ko? Bakit inisip ng aking konsensiya na kailangan ko siyang tulungan? At ang pinakamalala sa lahat, bakit ‘di ako magalit sa kaniya? Ang mga tanong na iyon ay tumatakbo sa akin; at hindi ko mahabol ang kasagutan.
Tinanggal ko muna iyon sa isipan ko; dahil sa kasamaang-palad, magkatambal pa kami sa isang spoken poetry. Ang pamagat ng tula? ‘Huling Alaala.’ Medyo nakakatawa, kasi hanggang ngayon, araw-araw kong hiling na iyon na lang ang huling alaala ko sa kaniya.
At doon ako umiyak muli.
Tulad ng ginawa ng mga kaibigan niya, pinagtawanan lang ako. Habang nagagalit na ako dahil wala siyang sikap sa kaniyang bidyo, wala siyang pakialam. Habang nage-edit ako ng bidyo namin, baka siya ay naglalaro.
Habang nakaupo ako sa sarili kong kama, lumalabo uli ang paningin ko dahil sa luha na lalabas dahil sa kaniya. Naramdaman ko ang kalungkutan at katangahan na naramdaman ko kanina sa pavilion. Natatandaan ko lahat; ang naïvity ko kaninang umaga, ang kapaguran ko kakapunta sa mga iba't ibang mga booth.
Pero walang makakatalo sa kaniya—tulad nga ng isang tula ko, siya ay isang maling anghel na nanggagamit para sa kaniyang kagahaman.
Matagal na ito nangyari—ngunit ramdam ko pa rin ang hinanakit ko noon. Gusto ko'ng sabihin na naka-usad ako—pero sa katotohanan? Hindi. Ngayon, kung magkasalubong na lang kami sa pasilyo ng ikatlong palapag, tumutungo na lang ang aming ulo, at kung minsa'y maguusap kami.
Pero, habang pababa kami habang magkatabi sa isa't isa, halos naging espektakulo noong nakita kami ng mga kaibigan niya.
Nagtawanan sila sa study area—'di ko alam kung sa aming dalawa, o kung ako lang ang pinagtatawanan nila. Ngunit, alam ko ang dalawang bagay: noon, kung gusto niya magpabuhat, magpapatulong siya sa lahat—lalo na sa akin. Ngayon, kung gusto niya magpatawa, gagamitin niya ako.
Ngayon, may isang panatag ako matapos mangyari ito: dapat hindi na ako magpauto-uto.



