Hindi ako bayani—
wala akong kapa, espada, o kwento ng alamat.
Pero sa tuwing ikaw ang paksa,
nagiging posible ang lahat.
Kaya kong buhatin ang gabi,
gisingin ang araw bago pa siya bumangon—
kung ang kapalit ay makita kang ngumiti,
kahit isang saglit, kahit isang taon.
Kaya kong lisanin ang komportableng mundo
kung ang kapalit ay simpleng yakap mo.
Kaya kong tumawid sa baha ng pangungutya,
lumangoy sa ilog ng duda't takot,
dahil mas malakas ang tibok ng puso ko
kaysa sa bulong ng mundo na “huwag.”
Pwedeng wala akong milyon sa bangko,
pero mayaman ako sa rason kung “bakit ikaw.”
Hindi mo kailangan ng lalaking perpekto,
kailangan mo ng lalaking lalaban kahit madugo ang dulo.
At oo, minsan ako'y sugatan,
basag ang tiwala, wasak ang loob—pero kahit durog,
ikaw pa rin ang dahilan kung ba’t buo akong lumalaban.
Gagawin ko ang lahat,
hindi dahil gusto kong mapansin,
kundi dahil ikaw ang tahanan
kahit saan ako dalhin.
Iiwan ko ang sarili kong mundo,
kung ang paglakad palapit sa'yo
ang magbibigay-saysay sa bawat hakbang ko.
Kung darating man ang araw na pagod ka na,
na gusto mo nang bitawan ang lahat,
hayaan mong ako ang sumalo—
ang mundo, ang bigat, pati ang mga luha mo.
Kaya kong gawin ang imposible,
lumaban sa kahit sino, kahit anong hirap—
Dahil sa dulo ng lahat ng to,
ang mahalaga lang…
Ikaw.
At balang araw,
masasabi ko na rin sa’yo—
hindi sa tula,
hindi sa kwento,
kundi sa mismong harapan mo;
“Wala akong kayang ipangako,
pero kaya kitang mahalin
nang buo,
dahil ikaw ang dahilan kung bakit ko natutunang maniwala sa pag-ibig.”



