Inalimpungatan ang masang tila binabarang.
Binabangungot ng mga payaso ng palasyong nagmistulang mga maligno ng sirko at kadiliman.
Kaninong panaginip ‘to?
Himala.
Nagpakatao ang bato.
Tumubo ang buhok ng pananagutan
Sa ulo ng kalbong lapastangan.
Tumayo sa harap ng madla,
“Hinahanap ninyo ako?”
Hubad ang budhi, bihis ang pighati.
Magpugay.
Magalit.
Maghimagsik.
Binaklas ang hari ng senado.
Initsipuwera ang reyna ng palasyo.
Sunod, ikakadena ang kanang kamay ng berdugo.
Hustiya ito
sa demokrasyang humihilik.
Kaninong panaginip ‘to?
Pinaputukan ang kuwarto.
Balimbing ang engkuwentro.
Nakatutok ang baril na walang kasa.
Walang tatagos sa bungo kung maka-diyos ang bala sa mga santong kabayo at banal na aso.
Bendisido ang punglo.
Luhuran ang gobyerno.
Ialay ang kulam
ng sambayanang Pilipino.
Nagiging normal ang imposible sa baluktot na reyalidad ng pulitika.
Biyaya.
Himala.
Unti-unting nilalamon ang pananampalatayang bumubuhay sa masang palaging taya.
Kaninong panaginip ‘to?
Gising, Pilipino.



