May dugong pumapatak sa sahig, kasabay ng pagtulo ng mga luha. May kutsilyong may bahid ng pulang mantsa. May mga guhit sa pulso na hindi maamin kung kaninong kamay ang may gawa.
Sa pagsapit ng gabi, sa sulok ng kwarto—walang tunog, walang saksi. Patuloy ang pag-agos, patuloy ang pag-ukit ng kutsilyo sa balat na tila isang galit na pintor na gumuguhit. Ano nga ba ang nais nitong ilarawan? Bakit puro malabong linya lamang ang naaaninag ng mga mata kong pinalalabo ng sariling luha?
Sa tuwing may nagtatanong tungkol dito, ang sinasabi ko lamang ay kalmot ito ng pusa. Ngunit malabong pusa ang may gawa—wala akong pusa.
At paano ko aaminin na ako mismo ang pintor? May mga obra akong hindi ko hahayaang masilayan ng iba, kahit pa sabihin nilang karapat-dapat sa paghanga ang sining. Iba't ibang dyaket ang isinusuot ko kahit matindi ang sikat ng araw—nagsisilbing aking galerya ng mga sining. Makatakas lang sa mapanghusgang mga mata at sa mga tanong na wala akong balak sagutin.
Paano ko ipapaliwanag ang aking mga "obra" kung para sa iyo ay mababaw lang ang dahilan? Mababaw pa rin ba kung ang bawat patak ay hindi na lang alat ng luha, kundi lansa na ng dugo?
May mga kwento sa likod nito na tanging ako lamang ang nakakaalam. May mga tahimik na paghingi ng tulong kaya minsan kong hiniling na may makarinig man lang sana sa akin sa bawat hindi ko pagkibo. Ngunit alam kong nakasanayan ko ang magtago sa likod ng mga ngiti at maingay na tawa, kaya wala man lang nakaalam ni isa. Walang may alam o sadyang walang may pakialam?
May mga sandaling hinihiling kong sana ay malinis ako bukas. May mga sandaling hinihiling ko na sana sa tuwing ako ay nahihirapan huwag kong hanapin ang pinakamatalim na bagay. Hindi ko kayang mangako sa aking sarili, hindi ko man lang magawang maging malinis.
Ang bawat hiwa ay isang liham na walang nakababasa. Ang bawat linyang mapula ay isang sigaw na walang nakaririnig. Paano ako tatalikod sa sining na ito kung ito lang ang tanging paraan para hindi ako tuluyang malunod sa sarili kong gulo? Sa bawat pagtapon ko ng patalim, tila tinatapon ko rin ang tanging sandigan ko sa gabi—ngunit sa bawat pagbili ko muli, alam kong bilanggo pa rin ako ng sarili kong mga "obra.”
Sasapit na naman ang umaga, paulit-ulit na lang ang ganitong siklo. Hihintayin ko na naman ang paghilom. Kailan kaya ang gabing hindi na kutsilyo ang hawak ko habang gumuguhit sa pulso, kundi tunay na lapis na gumuguhit naman sa papel?
Sa susunod hindi na pula ang aking kulay na gagamitin, kundi iba’t ibang pangkulay na. Nang sa ganoon ay matawag ko na rin itong sining sa wakas.



