Tahimik ako habang hinihimay ang hipon. Iniinda ko ang pag-igik sa tuwing tumutusok sa numinipis kong mga daliri ang matigas nitong balat. Pinipigilan ko ring pumikit nang matagal dahil baka makatulog ako.
Mula sa pagbabalat ay umangat ang aking tingin sa aming bunsong nagtatakang nagpapabalik-balik ng tingin mula kay mama na pinaghihimay siya ng hipon at sa aking mga kamay na bahagya pang nanginginig sa paggagayat ng sariling pagkain. Nginitian ko na lamang siya at nang sumilay rin ang ngiti sa kaniyang inosenteng mukha ay alam kong may panghahawakan pa ako para mabuhay at maghanap-buhay.
Nang matapos akong maglinis ng pinagkainan ay pumanhik ako sa maliit naming sala—rito ako natutulog, habang sina mama, papa, at bunso naman ay sa nag-iisa naming kwarto. ‘Di bale nang papakin ako ng mga insekto, huwag lang dapuan ng lamok ang bunso ko.
Pinakatitigan ko ang aking lumang pitaka na para bang anumang oras ay himalang mapupuno ito ng salapi. Isang daan. Papaano ko na naman mairaraos ang sarili nito sa loob ng isang linggo? Nag-abot kasi ako kay mama ng panggastos ni bunso at humirit pa siya ng pang-toma nila ni papa.
Pinagmasdan ko ang payat kong mga kamay—mula sa daliri nitong numinipis na hanggang sa kinakalyo nitong palad. Ang hapdi talaga matusok sa balat ng hipon. Parang pinapaalala niyang subsob ako sa pagtatrabaho. Parang binabalik niya lahat ng mga sugat ng paano kaya at baka sakali.
Paano kaya kung mayaman kami? Paano kaya kung sa ibang pamilya ako nabuhay? Paano kaya kung inalagaan nila ako? Paano kaya kung hindi ako tinuruan ng mga magulang ko na magbanat ng buto sa murang edad? Baka sakaling…baka sakaling mas naramdaman kong maging bata. Maging anak. Baka sakaling hindi ako lumaki sa pagod.
Naisip ko lang na ang tagal kong naniwala sa sinasabi nilang ang buhay ay hindi karera—na darating ang kanya-kanya nating panahon at hindi natin kailangang magmadali. Pero sa buhay na mayroon ako, kung maghihintay ako, maraming tiyan ang magugutom. Hindi totoong hindi karera ang buhay. Madali para sabihin sa iba dahil nakahanda na sa plato ang kinabukasan nila. Pero, paano naman kaming ni hindi siguradong maabutan pa ng bukas?
Ang pagkayod ko sa limang paraan at paghakbang ko ng sampung beses ay katumbas ng perang hindi pinaghihirapan ng iba. Ang hirap din pigilan mangompara kung ang agwat na mismo ng pamumuhay ang humaharang sa paningin mo. Biruin mo, kailangan kong bitawan ang sariling pangarap para matustusan ang pamilya. Kailangan kong hindi isipin ang sarili para sa kapakanan ng mga taong dapat sana ay ang bumubuhay sa akin. Sa amin. Minsan nga naiisip ko rin—kailan kaya ako magiging anak ng mga magulang ko?
Pero ayos lang. Hindi naman nila kasalanan, ‘di ba? Pwede naman akong tumanggi. Pero, mahal ko kase sila kaya pinili kong tumakbo sa direksyong kailangan kaysa sa paroroonang gusto. Kaya heto ako ngayon—isang pusong paulit-ulit na tinatabunan ng lupa ang sariling pangarap para lang matamnan ng pagkain ang plato ng pamilya. Baka nga kaya ako madaling mapagod, kasi sa bawat hakbang ko, hindi lang sarili ang bitbit ko, kundi ang tahanang bumibigat na sa balikat ko.
Pagmamahal pa ba ‘to o pagkaubos? Hindi ko na alam. Kasi ang pagmamahal, dapat nagbibigay ng lakas. Pero bakit sa akin, parang unti-unting nang-uubos? Para akong kandilang natutunaw kakasindi para mailawan ang dilim ng iba, pero walang kamay na nagtatangkang sumindi sa akin kapag ako naman ang nawawalan ng apoy. Pagmamahal pa ba ito kung kailangan mong itulak sa likod ang sarili mo para lang mauna sila?
Pero sa huli, kapag tinititigan ko ang ngiti ng bunso at kung paano kumikislap ang pag-asa sa inosente niyang mga mata, may nabubuhay din sa loob ko. Parang paalala na kahit magaspang na ang mga palad ko, may isang maliit at tahimik na dahilan kung bakit hindi ko pa kayang bitiwan lahat.
Mapait na lang akong napangiti habang nasa kamay pa rin ang mga tingin. Pero gano’n yata talaga ang ilang sugat: sumusulpot kahit anong iwas mo, lumalalim kahit hindi mo ginagalaw. Kasi kailangan. Para tumibay ka. Tayo.
Humiga na lang ako, pilit na isinara ang pinto sa mga tanong na matagal ko na ring tinatanggihan. Mga tanong na tuwing gabi, bumabalik at kumakatok, pero hindi ko naman nagagawang sagutin. Ano pa nga bang magagawa ko? Kailangan ko na talagang magpahinga. Bukas, gigising na naman ako para sa parehong laban. Para sa pamilya. Para sa pinakamamahal kong bunso.



