May mga tanong talagang dumarating kapag tahimik na ang lahat.
Kapag patay na ang ilaw.
Kapag wala nang ingay na puwedeng pagtaguan.
Isa na roon ang tanong na paulit-ulit kong inuusal pero hindi ko maibuka ang bibig para itanong:
Kamusta ka na kaya, Pa?
Hindi dahil wala ka sa tabi ko.
Kundi dahil matagal na kitang tinabihan nang hindi ka tinitingnan.
Noon, ikaw ang mundo ko. Kapag may takot ako, sapat na ang presensya mo. Kapag napapagod ako, ikaw ang pahinga. Hindi ko kailanman naisip na napapagod ka rin. Hindi ko naisip na may bigat kang binubuhat na hindi mo ipinapakita.
Habang lumalaki ako, natuto akong magbilang ng mali.
Mas tumatak sa akin ang galit kaysa sa pag-aalala.
Mas malinaw sa akin ang sigaw kaysa sa dahilan kung bakit ka napagod.
At unti-unti, lumayo ako.
Hindi ka iniwan—
pero hindi rin kita hinanap.
Hanggang isang araw, napansin ko.
Hindi dahil may nagsabi.
Kundi dahil nakita ko.
Nakita kitang umiinom ng gamot.
Hindi ko alam kung para saan iyon.
Gusto kitang tanungin, pero mas pinili ko na lang manahimik at mag-aktong parang walang nakita.
Napansin ko ring mas madalas ka nang maupo kaysa tumayo.
Mas madalas ang buntong-hininga.
Mas bihira ang tawa.
At doon ko naintindihan ang lahat ng hindi ko tinanong noon.
Na habang abala akong iniwasan ka, tumatanda ka.
Na habang pilit kong kinakalaban ang mga mali mo, unti-unti kang pinanghihinaan—hindi lang ng katawan, kundi ng lakas ng loob na magsalita.
Ngayon, gabi-gabi, dala ko ang konsensiyang mabigat.
May mga salitang matagal ko nang dapat sinabi.
May mga yakap na pinagdamot ko dahil akala ko may bukas pa.
Gusto kong bumawi.
Gusto kong magsimula kahit nanginginig ang boses ko.
Kahit sa isang tanong lang.
Kumusta ka na kaya, Pa?
Masakit ba ang katawan mo?
Mas mabigat ba ang katahimikan kaysa sa sakit?
Kung maririnig mo lang sana ang puso ko, alam mong hindi ako galit.
Nalito lang.
Naging bata sa panahong kailangan sana kitang intindihin.
At kung may natitira pang oras,
hindi ko na hahayaan ang katahimikan ang magsalita para sa akin.
Lalapit ako.
Hahawakan ko ang kamay mong matagal nang nanginginig.
At bago pa maging huli ang lahat, sasabihin ko na—
Pa… andito na ako.
Bumabalik na ako.



