Para sa iba’y almusal ang ibinababa mula sa langit; ngunit para sa kanila’y bomba ang ipinadadampi—dugong dumanak sa lupang pinangakuan. Pinako sa halik ng digmaan, sa langis ng imperyalismo at kasakiman.
Kung sa pagtaas ng presyo ng langis at petrolyo ay namulat ang masa mula sa kanilang pagkakapiring, marahil ang langis ang dugong bumubuhay sa kamalayan ng lipunan.
Tulad ng dugong dumadaloy sa mga ugat at kalamnan ng katawan, ang langis ang lihim na umaagos sa litid ng sangkatauhan. Ngunit nauna nang bumait ang dalamhati ng bayang pinaslang, binomba, at nilunod sa malagkit na sebo ng digmaan, bago pa namalayan ng sambayanan na kumukulo na ang kanilang matagal nang natutulog na kamalayan.
Kung kinakailangang may mamatay upang umabot sa langit ang presyo ng langis, tunay ngang nakahimlay ang kamalayan ng lupang tinubuan.
At kung hindi magigising ang masa, patuloy na dugo ang magiging puhunan ng mundong pinatatakbo ng langis. Mailibing nawa ang bangkay ng sistemang patay—ngunit patuloy na pumapatay.
Saka lamang naramdaman ng tsuper ang bigat ng manibela nang manaig ang preno at busina.
Saka lamang inabot ng mga pasahero ang barya nang pumatak ang luha ng krusada sa kalsada.
Saka lamang napagtanto ng mga pesante ang hirap ng lupang hinirang nang ang ani’y hindi na sapat upang sila’y buhayin ng pagsasaka.
Dadaloy ang dugo kasabay ng sebo at lagkit ng gasolina at petrolyo. Lalangisan nito ang kamalayan ng bawat Pilipinong pinili at pininong ibulid sa sistemang kumakatas at pumipilipit ng bawat patak ng luha, langis, at dugo.



