May mga pangarap na hindi ipinanganganak sa ginhawa. Kadalasan, ito’y sumisibol sa gitna ng kakulangan, pagod, at tahimik na pakikipaglaban sa araw-araw na buhay. Isa lamang akong payak na estudyante—walang marangyang pinagmulan, walang pribilehiyong sandigan, at walang kasiguraduhan kundi ang matibay na pananalig na balang araw, aangat din ako.
Isinilang ako sa isang pamilyang hindi man sagana sa materyal na yaman ay hitik naman sa sipag, tiyaga, at sakripisyo. Lumaki akong saksi sa walang humpay na pagsusumikap ng aking mga magulang upang maitaguyod ang aming pang-araw-araw na pangangailangan. Kaya’t habang ang iba ay nangangarap nang malaya at magaan, ako’y natutong mangarap nang may kasamang bigat—bigat ng responsibilidad, pangamba, at pag-asa.
Sa gitna ng lahat ng ito, isang pangarap ang tahimik na umusbong at lumalim sa aking puso ang makapasok sa mga kilala at tampok na unibersidad sa buong Pilipinas. Isa na rito ang Polytechnic University of the Philippines, ang Sintang Paaralan na matagal ko nang tinitingala.
Bata pa lamang ako ay hinangaan ko na ang PUP hindi lamang bilang institusyon ng akademikong kahusayan, kundi bilang pamantasang humuhubog ng mga indibidwal na mulat, matapang, at may paninindigan. Sa social media at sa mga diskurso ng lipunan, dama ko ang kanilang tinig… tinig na hindi natatakot magsalita laban sa korupsiyon, anomalya, at kawalang-katarungan.
Ngunit kasabay ng kanilang katapangan ay ang mabilis na paghuhusga ng iba. Madalas silang tawaging “aktibista,” “NPA,” “corned beef” o kung anu-anong katawagang pilit nagpapababa sa kanilang adhikain. Ngunit para sa akin, ang kanilang tinig ay hindi ingay—ito’y panawagan ng katotohanan.
Kung gaano kadaling husgahan ang mga Iskolar ng Bayan, ganoon din sila kahusay sa larangan ng propesyon at serbisyo. Sa likod ng payak na kalagayan, naroon ang husay na hinubog ng realidad at karanasan.
Dahil dito, lalo kong hinangad na maging bahagi ni Sinta.
Sa pagproseso pa lamang ng aking aplikasyon, buong tiyaga kong inayos ang bawat dokumento, bawat papel na tila ba may dalang pag-asa. Ginugol ko ang aking bakasyon sa walang sawang pagre-review, pakikipagbuno sa antok, pagod, at pagdududa sa sarili.
At dumating ang araw ng pagsusulit.
Tunay ngang “danas ang PUP.” Sa ilalim ng nakapapasong init, kasama ang libo-libong kapwa nangangarap, ramdam ang bigat ng bawat hakbang papasok sa exam venue. Pinili kong magtungo sa Sta. Mesa, sa Main Campus, sapagkat nais kong harapin ang isang mundong hindi madali, isang mundong maghahasa sa akin bilang tao at bilang mag-aaral.
Pagkatapos ng pagsusulit, mas mabigat pa pala ang paghihintay kaysa mismong laban. Halos bawat minuto ay nakatutok ako sa anunsyo ng resulta. Hanggang sa dumating ang oras—alas dose ng hatinggabi—ngunit bumigay ang sistema dahil sa dami ng umaasa.
At sa mga sandaling iyon, kasabay ng pagbagal ng oras ay ang mabilis na tibok ng aking puso.
Ilang ulit akong nag-refresh, hanggang sa sa wakas ay lumitaw ang katotohanang matagal kong hinihintay:
PASADO.
Nanlambot ako. Hindi ko maipaliwanag kung luha ba ito ng tuwa o gulat. Sa dami ng beses na kinuwestiyon ko ang aking sarili, dumating ang sandaling pinatunayan kong may kakayahan din pala akong umabot sa pangarap na matagal kong tinitingala.
Salamat, Sinta, sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong maging bahagi ng iyong pamantasan. Higit sa lahat, salamat sa pagiging kabilang ko sa sampung porsyento ng halos isang daang libong nangarap at sumubok makapasok sa iyong unibersidad. Isang pribilehiyo at karangalang habambuhay kong dadalhin.
Hindi lamang ito tagumpay sa isang pagsusulit, kundi tagumpay ng bawat gabing puno ng pagod, pagdududa, at panalangin. Isang patunay na ang simpleng pangarap ay maaaring maging katotohanan sa tamang tiyaga at pagkakataon.
Pinili ko ang PUP hindi dahil ito ang madali, kundi dahil ito ang totoo—isang pamantasan na humuhubog hindi lamang ng talino, kundi ng pagkatao.
Sa ngayon, unti-unti kong hinaharap ang reyalidad ng buhay sa Maynila. Kasabay ng pangarap ay ang bigat ng gastusin, ang pagod ng araw-araw, at ang takot na baka minsan ay hindi sapat ang aking kakayahan upang itaguyod ang lahat ng ito.
Kaya maingat kong iniipon ang bawat sentimong para sa pagkain, pamasahe, at sa magiging tahanan ko sa mga susunod na buwan. Sa bawat pagtitipid, mas lalo kong nauunawaan ang halaga ng bawat sakripisyo.
Ngunit higit sa lahat, natutunan kong huwag sumuko.
At para naman sa mga hindi pinalad na makapasa, nais kong ipaalala na ang resulta ng isang pagsusulit ay hindi kailanman sukatan ng inyong halaga. Hindi nito kayang sukatin ang lawak ng inyong pangarap, talino, at potensyal.
Minsan, ang hindi pagtanggap ay hindi katapusan, kundi panibagong simula. Ang tinatawag na rejection ay madalas na redirection; isang tahimik na paraan ng buhay upang ituro tayo sa landas na mas nararapat para sa atin.
Maaaring masakit ngayon. Maaaring puno ng tanong at pagdududa. Ngunit darating ang araw na mauunawaan din kung bakit kinailangang hindi mapasama sa pagkakataong ito.
Ang mahalaga ay patuloy tayong lalaban. Patuloy tayong mangangarap. Sapagkat ang tagumpay ay hindi para lamang sa mga hindi nabigo, kundi para sa mga patuloy na bumabangon sa kabila ng lahat.
Marami pang bukas na naghihintay sa atin.
At balang araw, makakarating din tayo sa lugar na tunay na nakalaan para sa atin.
Kung uusain, hindi ba’t ang tunay na sukatan ng ating pagkatuto ay hindi lamang kung gaano karami ang nalalaman, kundi kung paano natin ginamit ang kaalamang iyon upang unawain ang lipunang ating ginagalawan at paglingkuran ang bayang sa atin ay nagbigay-daan upang mangarap?
Padayon sa mga pangarap. Padayon, mga Iskolar ng Bayan.
Pag-aralan ang lipunan nang mapaglingkuran ang bayan. Mula sa’yo, para sa bayan, mahal kong Sintang Paaralan.



