Christmas party. Thanksgiving party. Year-end party. Pare-pareho ang tawag sa ganoong kaganapan tuwing Disyembre. Kaugalian natin magkaklase na magkaroon ng year-end party na para ba kaming mga typical na elementary o high school students na ginagawa. Oo, college na kami pero wala lang — para sa amin, ito ang tanging panahon na nakikita namin para makisaya mula sa hamon ng pag-aaral at mahubog ang pagsasama namin.
Kagaya ng nakasanayang year-end parties, may mga pagkain at inumin na nakahain, may mga palarong nakaabang, at syempre may mga regalong nakabalot. Planado kasi ang lahat — mula sa monito and monita, oras at lugar paggaganapan, mga kakailanganin, at iba pa. Halos lahat kami mabaliw para lang matuloy ang pinakahihintay naming party pagkatapos ng mga buwan puno ng stress mula sa academics.
Sa loob ng ilang taon naming naging tradisyon ang pag-ye-year-end party, lahat ay naidaraos nang masaya at makabuluhan para sa amin magkaklase. Hindi maikakait na mas lalo nabuhayan ang pagsasama namin na siyang mas humihigpit sa aming labing-pito sa klase. Pagkatapos ng party, ganito na ang eksena: post ng mga group photos sa Facebook at Instagram Story, send ng mga videos na nakakatuwa at nakakatawa tingnan sa aming Messenger chat group at higit sa lahat, message kami ng pasasalamat sa mga regalo at alaala na hinding-hindi makalimutan.
Ngayong taon, sabihin na lang natin na nagbago ang ihip ng hangin sa aming magkaklase nang ni isa ay nakaalala sa party na sana ay gaganapin ngayong Disyembre. Nasa teaching internship na kasi kami at abang-aba ang lahat sa kani-kanilang ginagawa. Nang itanong ko ilan sa kanila, hindi na katulad ng noon na 'g na g' ang lahat sa party. Hindi man lahat, pero kitang-kita ko sa kanilang mga mata na wala na silang kibo sa ganyang kaganapan.
Napaisip ako ng ilang araw tungkol dito. Siguro, hindi tulad ng nakaraang taon na masigla ang lahat sa year-end party. Hindi na rin katulad noon na may pakiramdam ang lahat sa mga gagawin namin sa party. May sari-sariling mga buhay ang lahat, pati na rin ako kung tutuusin.
Ang totoo kasi, watak-watak na kami. Hindi man halata pero alam ko na hindi na kami iisa — hindi tulad noon na sobrang dikit ang aming utak sa isa't isa pagdating sa ganyan. Sabihin na lang natin na may humiwalay at may nasira sa amin habang tumatagal ang aming pagsasama sa iisang classroom. Napakasama ng reyalidad pero nangyari na ang dapat nangyari sa aming magkaklase.
Nang nawalan ako ng pag-asa na maipagdiwang muli ang party para sa huling pagkakataon, doon ko napagtanto na siyang sumampal sa akin. Ano pa ba ang saysay ng party kung pipilitin namin magsama na may mga pusong sugatan sa nakaraan? Ano pa ba ang rason kung magpapanggap na lang kami na masaya na para bang walang nangyaring masama sa amin? Ano pa ba ang gusto namin ipagdiwang kung unting-unting nawawala ang pagkakaisa namin na nabuo namin noon pa man?
Sa mga tanong na 'yan, hindi ko pa rin malaman hanggang ngayon ang totoo kung bakit wala kaming year end party. Oo, magastos, at mahirap gawin ang buong party kasi sa loob ng ilang taon naming ginagawa, masasabi kong sobrang nakakapagod ang lahat. Pero, hindi kasi tungkol sa sarap ng pagkain at lamig ng inumin, sa ganda ng palaro, at sa presyo ng regalo ang hinahanap kong halaga ng year-end party para sa amin. Ang party ay higit sa isa lamang kaganapan kada huling buwan ng taon, kung hindi ay isang simbolo ng pagmamahal, pagbibigayan, at pagdiriwang ng lahat na aming naabot sa aming paglalakbay sa college. Hindi basta-basta ang year-end party — ito ay minsan mangyari na sobrang tatatak sa bawat isipan ang halaga nito.
Kaya, mag-ye-year-end party pa ba kaya kami sa kalagayang ito? Hindi siguro sila sasagot kasi wala na talaga.



