Kasalanan bang nahulog ako sa iyo? Kasalanan bang magkagusto ako sa taong dapat ay kaibigan ko lang? Kung kasalanan man iyon, ako ay matagal nang nagkasala. Kay tagal kong itinago ang nararamdaman ko sa'yo; kay tagal kong inilihim sa iyo ang pagtingin ko sapagkat hindi ko nais sirain ang ating pagkakaibigan. Natatakot akong mawala ka at lumayo ka sa akin, sapagkat ako ay nagkagusto ako sa iyo.
Sa bawat pag-uusap natin—sa bawat titigan, tawanan, at biruan ay lalo akong nahuhulog sa iyo. Hindi dahil gwapo ka, kundi dahil sa ipinapakita mong kabaitan at pagiging maaalahanin sa akin. Alam kong walang ibang ibig sabibin iyon, ngunit sinasabi ng utak at puso ko na baka may nararamdaman ka rin sa akin.
Bawat araw, buwan, at taon na lumilipas ay ikaw pa rin ang tinitibok ng aking puso. Kahit anong sikap kong pigilan ang nararamdaman ko para sa iyo ay hindi mawala-wala. Sa bawat pagpikit ng aking mga mata, ikaw ang nakikita ng aking utak. Sa bawat panaginip ko, ikaw ang nakikita.
Ang hirap itago ng nararamdaman ko sa iyo, sapagkat sa bawat pagbanggit mo sa taong natitipuhan mo, ang puso ko naman ay parang sinasaksak nang paulit-ulit. Nais ng aking bibig na banggitin sa iyo na ikaw ay aking iniibig, ngunit ang aking tinig ay umaatras pabalik sa aking lalamunan.
Handa kong tiisin ang sakit na malabong maging tayo, kaysa tiisin na mawalay sa tabi mo. Handa kong tiisin ang reyalidad na malayong magustuhan mo ako, kaysa masira ang pagkakaibigan natin.
Handa akong lumuha gabi-gabi habang nasisilayan kang may kasamang iba, kaysa pandirihan mo. Handa ‘kong tanggapin ang lahat, 'wag ka lang mawala sa akin. Kahit gaano ko man kagustong sabihin sa'yo ang aking nararamdaman—sa pamamagitan ng tula, paggawa ng mensahe, at pag-amin sa'yo nang harap-harapan—ay mas importante sa akin ang pinagsamahan natin ng sampung taon.
Pilit ko mang tanggalin ang aking pagtingin sa iyo ay hindi ko magawa-gawa, sapagkat ikaw ang nais ng aking puso at isipan. Alam kong ikaw ay isang straight guy, habang ako ay isang baklang pinagmamasdan ka sa malayo, ngunit umaasa ako na balang araw ay magkaroon ka rin ng pagtingin sa akin. Na balang araw ay maramdaman mo rin ang nararamdaman ko para sa iyo.



