Ilang pagkilala pa ba ang kailangan ko para masinagan ng ilaw sa aking tahanan?
Gaano karaming luha ang kailangang masahod sa sisidlan para lamang maramdaman ko ang dagitab na gumagapang patungo sa bukilya?
Aanhin ko ang dekorasyong ginto kung madali lang itong masungkit; samantalang isa kang parangal na mas mailap pa sa talukap na pilit kong pinapanatiling gising?
Ilang gabi pa ba ako dapat magpunyagi sa dilim, para lang gising ako kapag dumating ang oras na hindi na kita kailangang tanawin nang malayuan mula sa durungawang nababalot ng alikabok; na huling napunasan noong huling nadampihan ng mga palad mo ang aking luha?
Maraming nagsasabi sa akin na ang karunungan at karangalan ay susi sa tagumpay. Ngunit paano kung ang pinaghihirapan ko ay hindi pala isang daan para sa maayos na kinabukasan, kundi bilyete para magsilbing tagpi sa napunit nating ugnayan?
Kahit pala gaano karami ang perpektong grado ko, hindi pa rin ito sapat upang pagtakpan ang kamangmangan ko. Dahil naniniwala akong ang bawat tagumpay ay isang susi upang matulungan kitang pumiglas sa tanikalang pumipigil sa iyo na magpaka-nanay. Ngunit nakalimutan kong hindi ko pala kayang tulungan ang ayaw magpatulong.
Ang bawat kalansing ng medalya ay isang rason upang makausap ka, ang bawat tropeyo’y handa kong ialay kung ipangangako mong bubuksan mo ang iyong nangangalawang na tarangkahan, para maakyat ko ang mga nagtataasan at matitibay mong dingding, umaasang kapag natapos ang lahat ng pag-akyat ay matatagpuan ko ang aking ina.
Mahusay daw ako pagdating sa pag-aaral. Marahil dahil mula pagkabata pa lamang, ang mga mata mo na ang pagsusulit na aking pinagpupuyatan. Ang tinig mo ay ang awiting pilit kong sinasabayan at ang bawat lukot ng mukha mo ay lengguwaheng patuloy kong iniintindi. Ngunit sa bawat pagkakataon, bigo akong makamit ang ginintuang yakap na mas tinitingala ko kaysa sa ginintuang medalya.
Madalas, nakasasakal ang mga medalyang bitbit ko. Nakabibingi ang pagtatagpo ng mga metal sa aking leeg samantalang ang mga mata natin ay hindi man lang nagkikita.
Ang sunod-sunod kong tagumpay ay hindi patunay ng aking galing, subalit sukatan ng tagal ng paghihirap at patuloy na paghihintay sa parangal na dapat akin, na dapat ay sarili kong ina—ngunit naging gantimpala pang matagal ko nang inaasam.
Matagal akong naghigpit sa aking sarili, pinanatili ang disiplina para sa magandang kalalabasan—sa pag-aakalang mararamdaman ko ang init ng iyong yakap. Subalit ang higpit ng distansya at ang init ng gumigilid kong luha lang pala ang tanging yapos at apoy na bubuhay sa akin.



