Ano kaya ang pakiramdam ng maging matalino? Hirap kasi ako sa maraming bagay. Ang sarap sigurong mapuri dahil sa katalinuhan, ‘no? Kailan ko kaya mararanasan iyon?
Sana bigyan ako ng pagkakataon. Sinusubukan ko naman. Ibinibigay ko naman ang lahat. Pero hindi pa rin sapat—kahit maubos ako, kulang pa rin. Ano pa ba ang kailangan kong gawin? Hanggang saan ba dapat ang ibigay ko kung pati sarili ko’y nauubos na?
Nakakasawa ring matawag na “mahina,” “bobo,” “mangmang,” at “tanga,” na para bang hindi ko alam. Hindi na nga dapat ipaalala, kasi hindi ko naman nakakalimutan kung gaano kabigat ang pakiramdam na iyon. Araw-araw, bitbit ko na.
Matagal bago ako natutong magbasa—malapit na akong mag-grade 6 noon. Sa Math, hirap na hirap ako. Wala naman akong problema sa paningin, pero lumalabo ang mga numero—at kasabay no’n, lumalabo rin ang mga posibilidad na maaari pa akong makaiwas sa pambubuyo. Sa Science, wala naman akong kuto, pero panay ang kamot ko sa ulo—naghahanap ng sagot kung bakit hanggang dito lang ako. Sa English, kahit walang tugtog, parang sumasayaw ang bawat letra. Ayaw tumigil. Para silang mga boses na paulit-ulit na nagpapaalala kung gaano ako kahina.
Palagi na lang akong nasa huli. Nakakapagod man maging “bobo,” mas nakakapagod maging mahina sa lipunang inaasahang mag-iisip ka tulad nila. Na kung ano ang normal para sa kanila, iyon ang tama. Na kung ano ako, hindi dapat. Na kung ano sila, iyon ang dapat maging ako.
Saan ba dapat ako lumugar? Sa baba kong ito, may ibababa pa ba ako? Nandito na ako, oh—nasa pinakailalim na. Hindi ko naman puwedeng ilibing ang sarili ko. O baka puwede? Minsan ko na ring inisip iyon. Dahil may mga gabing hindi ko kinakaya ang bigat ng pakiramdam na maging ako.
Maging ako, parang ayaw ko na rin sa sarili ko. Hanggang dito na lang ba ako? Ito na lang ba ang kaya ko? Wala na ba talagang pag-asa? Ni isang pangungusap, hindi ko makabisa sa loob ng sampung minuto. Ni isang maayos na talata, hindi ko magawa. Ni isang salitang Ingles, bumabaluktot ang dila ko.
Diyos ko.
Ano bang kasalanan ko para maging ganito? Ginawa lang ba ako para may maikumpara sa mga matatalino? Nabuhay lang ba ako para maging katawa-tawa? Para maging halimbawa ng “ganito ang huwag mong maging”? Para maging basehan ng mga sermon, ng mga buntong-hininga, ng mga pagkadismaya?
Nabuhay lang ba ako para masaktan? Para mawalan ng saysay? Para magtiis nang ganito habambuhay?
Sana naman hindi.
Kasi nakakapagod talaga. Halos hindi na ako natutulog sa magdamagang pag-aaral. Halos hindi na ako kumakain para lang sa mga aralin. Halos hindi ko na maramdaman ang sariling katawan—para lang mag-aral nang mag-aral. At sa kabila ng lahat, kulang pa rin.
Parang hindi na ito pagsubok ng mundo. Parang unti-unti akong pinapatay ng kahinaan ko. Tila telang humihigpit sa leeg ko—iniipit ang paghinga hanggang ako na mismo ang sumuko. Parang araw-araw, may maliit na bahagi ng pagkatao ko ang namamatay. At walang nakakapansin.
Wala na ba talagang lunas ang kondisyon ko? O baka hindi ko lang alam ang pangalan nito? Kanino ako hihingi ng tulong kung pati sa sarili kong bahay, pinapatuloy lang ako pero hindi itinuturing na anak? Basehan ba ang marka para tawagin ako sa pangalan ko? Basehan ba ang grado para mahalin ako—kahit sandali lang?
Ano pa ang silbi ng buhay na ito kung limot na ng mga taong tao rin ako?
Pero sa gitna ng lahat ng ito, may maliit na tinig na ayaw pang mamatay. Mahina siya. Parang ako. Nanginginig. Pero nandiyan. Sinasabi niyang baka hindi ako bobo—baka iba lang ang paraan ng utak ko. Baka hindi ako mahina—baka pagod lang. Baka hindi ako kulang—baka mali nasa maling posisyon lang ako ng karera.
Hindi ko alam.
Ang alam ko lang, tao ako. Nasasaktan. Napapagod. Umiiyak nang palihim. Umaasang balang araw, may tatawag sa pangalan ko nang walang kasunod na buntong-hininga.
At kung hindi man ako maging pinakamatalino sa silid, sana maging sapat ako sa sarili ko. Sana isang araw, kapag tumingin ako sa salamin, hindi ko na makita ang lahat ng salitang ibinato sa akin—kundi isang taong lumaban kahit paulit-ulit na nadapa.
Kasi kung hanggang dito lang ako ngayon, hindi ibig sabihin dito na lang ako habambuhay.
At kung mabagal man ako, hindi ibig sabihin wala akong mararating.
Baka hindi ako ginawa para maging pinakamagaling.
Baka ginawa ako para matutong bumangon—kahit walang pumapalakpak.
At balang araw, kapag may umiyak dahil sa kwento ko, sana hindi dahil naaawa sila—kundi dahil hindi na sila nangangarap na maabot ang tuktok para malaman kung gaano ito katayog, kundi dahil nahanap na nila sa sarili nila ang kanilang tyempo. Ang kanilang lugar. Ang kanilang saysay. Ang kanilang sariling talino. Sa sarili nilang paraan. Tulad ko.



