Habang ako'y naglalakad sa isang tahimik na eskinita na animo'y walang mga taong nakatira, ang mga poste ng ilaw ay patay sindi at ang iba nama'y hindi gumagana, at ang bilog na buwan na siyang nagsisilbing liwanag sa isang madilim na asul na kalangitan ay tila sinusundan ako sa aking bawat paghakbang. Ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin na yumayakap sa akin, bawat dampi nito sa aking balat ay nagdudulot ng pagtaas ng aking balahibo.
Hindi ko maiwasang matakot. Hindi dahil sa dilim ng lugar na nilalakbay ko ngayon, kundi dahil sa kung ano ang mga maaaring mangyari sa loob ng aming bahay. Tahimik ang paligid ngunit ang utak ko'y napupuno ng ingay at mga tanong.
Sapat na ba ito para sa kanila?
Kulang pa ba?
Matutuwa na kaya sila?
Muling umihip ang isang malakas na hangin dahilan ng pag kaluskos ng mga dahon ng puno na tila sila'y nagbubulungan na sila lamang ang nagkakaintindihan. Naramdaman ko ang bawat pagdaplis ng hangin sa aking balat, banayad ito na tila isa akong porselanang mabilis masira.
Habang papalapit sa aming bahay ay mas lalong umaalpas ang pantig ng aking dibdib kasabay nito ang unti-unting pagpatak ng aking pawis na kanina'y tahimik na namumuo—na alam kong hindi dahil sa pagod, kundi dahil sa kabang bumabalot sa aking buong katawan. Mas humigpit naman ang hawak ko sa isang bagay na s'yang dahilan kung bakit ako nagkakaganito. Kung tutuusin dapat nga masaya ako dahil matagal ko itong pinag hirapan, ngunit hindi ko magawang makaramdam nito.
"Ma... Pa..." Mahinang bati ko sa aking mga magulang.
Walang bakas ng emosyon sa kanilang mga mata habang ako'y tinitignan, tila ba hangin lamang ako na napadaan. Ngunit itong pagtrato nila’y matagal ko nang nakasanayan, sanay nang ngumiti sa harap, kahit sa loob ay sugatan.
"M-may... medal po ako..." Nauutal at mahinang sambit ko.
Pilit akong ngumiti sa kanila—isang hungkag na ngiti, walang kislap sa mata at walang saya sa dibdib—bago ko ipakita ang medalyang pilak na nasa aking kaliwang kamay.
Katahimikan.
Wala akong narinig na reaksyon sa aking mga magulang ngunit halata sa kanilang mga mukha na sila'y hindi natutuwa. Nakakunot ang kanilang mga noo na tila hindi magandang bagay sa kanila ang aking ipinakita. Unti-unting lumabo ang kanilang mga mukha sa aking paningin na para bang prinoprotektahan nito ang aking mata upang makita ang galit nilang reaksyon.
Pinipilit ko parin ang aking sarili na bigyan sila ng isang matamis na ngiti kahit na unti-unti nang nangiginig ang aking mga labi.
"Ayan lang ba ang kaya mo?!"
Galit na tanong sa akin ng aking ina, na tila hindi pa sapat sa kanya ang aking nakamit. Hindi ko na napigilan ang mabilis na pagtakas ng aking mga luha na kanina pa gustong kumawala, bawat pag patak nito ay parang napapaso ang aking balat.
Nanatili parin akong nakangiti sa kanila—ang ngiting hindi dulot ng saya kundi ng sakit.
Ikinulong ko ang aking sarili sa aking kuwarto upang makatakas sa masasakit na salitang nanggagaling sa sarili kong magulang, pinili kong mapag-isa upang makahanap ng katahimikan, ngunit doon ako nagkamali.
Madilim at ang tanging ilaw na nanggagaling lamang sa buwan ang nagsisilbing liwanag sa kwadradong silid. Tahimik, at tanging mahihinang hikbi ko lamang ang maririnig ngunit kabaliktaran naman nang katahimikan ng paligid ang ingay sa aking utak na tila ito'y isang sirang plaka.
Kulang pa ba ako sa kanila?
Isa nalang ba talaga akong malaking pagkakamali sa mata nila?
Darating pa ba ang araw na ipagmamalaki nila ako?
Kailan sila matutuwa sa akin?
Ginawa ko naman ang lahat ng aking makakaya, ibinuhos ko ang lahat ng aking oras sa pag-aaral ngunit hindi pa rin ba ito sapat?
Ang hirap maging estudyanteng kailangan mo pang basahin nang sampung beses ang teksto upang lubos itong maunawaan.
Ang hirap maging estudyanteng kailangan pang ulit-ulitin ang mga nakalipas nang aralin upang hindi ito makalimutan.
Ang hirap maging estudyanteng palaging pinagtatawanan kapag mali ang mga sagot.
Ang hirap maging estudyanteng palaging nakakakuha nang mababang marka.
Ang hirap maging estudyanteng palaging walang maayos na tulog at kain para lang matapos ang sandamakmak na takdang aralin na kailangang ipasa.
Ang hirap maging estudyanteng ginagawa naman ang lahat ng makakaya ngunit kailanman ay hindi ito naging sapat sa mata ng iba.
Ang hirap maging estudyante.
Hindi ko na namalayan ang aking sarili na may hawak na akong isang matalim na bagay, naramdaman ko nalang ang unti-unting pag tulo ng aking dugo sa aking pulso. Marahil ay dahil sa sobrang sakit ng nararamdaman ng aking puso, dahil mas nagdurugo ako sa loob kung kaya't hindi ko na maramdaman ang sakit ng aking hiwa.
Marahas ang bawat hiwang ginagawa ko sa aking pulso, ngunit wala ni isang kirot akong naramdaman. Ang aking mainit na luha'y humahalo sa malamig kong dugo na tuloy tuloy pa rin ang pag alpas.
Bago tuluyang lamunin ng kadiliman ang aking paningin ay napadako ang aking mga mata sa isang bagay na nag niningning—ang pilak na medalyang nasa lapag, may bahid ng sarili kong dugo at nasisinagan ng buwan dahilan ng pagmutawi nito sa isang madilim na silid na puno ng kaguluhan at walang kasiguraduhang masisinagan pa muli ng araw.
Kung para sa iba ang medalya ay isang palamuti o disenyo lamang at wala naman itong katumbas na halaga—kung tutuusin ay maaari ka namang bumili nito sa mga tindahan. Ngunit ang medalya para sa akin ay parang isang pera, maaari itong makuha sa pamana, o tulong ng iba, ngunit kapag pinaghirapan—sa mahabang oras ng trabaho, sakripisyo, at pagtitiyaga—nagkakaroon ito ng mas malalim na halaga. Nagiging simbolo ito ng pagod, oras, at mga pangarap na isinakripisyo.



