Magaling ako sa maraming bagay. Kaya kong makipagsabayan sa kahit ano at kahit kanino. Kahit anong ipagawa niyo, kaya kong aralin at matutuhan.
Pinupuri ako ng lahat kagaya ng pagpalakpak ng mga taong-nayon sa bukang-liwayway—animo’y ang araw ay isang tagapagtanghal na mas gagaling pa sa mas malakas na pag-ugong ng palakpakan.
Ngunit, hindi ako nagtatanghal lang. Hindi ako yumuyukod sa dagat ng mga tao. Hindi ako pinamumulahan ng pisngi sa mga mabubulaklak na salita. Dumadanak sa hiniwa kong pagod ang mga papuring kinasanayan na—inaasahan, pangkaraniwan, at halos wala nang kabuluhan. Wala, eh. Pinaghirapan ko naman talaga ‘to. Sinadya kong patalasin ang sarili kahit na paurong ang pagtusok ng matulis nitong dulo—papunta sa ‘kin.
Daming alam. Kaya siguro tinatawag akong likas na matalino. Talaga ba? Akala ko kasi obligadong pagsisikap lang ito para sa edad ko—hasain ang mga kaalaman para maging mahusay, kase bata pa.
Ang kahusayan ko ay tila nagbabagang apoy. Ang apoy na niluluto ang pagkain, sinisindihan ang dilim, at nagbibigay-init sa nagyeyelong gabi. Ang apoy na siyang isa sa pinakamahalagang natuklasan ng mga tao. Bagkus, subukan niyo itong sambahin nang malakas, purihin nang sobra, at abusuhin nang husto’t lalo lamang itong lalaki hanggang sa kainin na nito ang buong bahay… o buhay. Hindi biglaan ang paglitaw ng apoy; may paraang isinagawa upang mabuo ito —para magkabuhay, para mabuhay.
Pero, hindi kailanman kinailangan ng apoy ang pagsamba ninuman. Gusto lamang nitong tahimik na magbigay-liwanag nang may hangganan sa pagitan ng nakabibinging pagkamangha at matiwasay na paggampan sa minamahal na gawain. Nang hindi napapaso sa sarili nitong init.
At oo, alam ko ang init ng lumbay na ramdam ng apoy galing sa kanyang sarili. Dahil kapag naririnig ko ang bansag nilang likas akong matalino, lasap ko ang bawat insulto. Kase wala namang likas o natural sa rami ng dugong tumulo, makaahon lang sa araw-araw.
Hindi ako lumuluha ng pawis para sa mga papuri; umiiyak ako ng pawis dahil kailangan kong magsanay nang puspusan. Hihinto pa ba ako sa bawat papuri para magpasalamat, gayong tila nalulugi na ang katawan ko sa walang humpay na pagsisikap? Na para bang unti-unti nitong kinukuha lahat ng buto ko sa katawan at tatanungin kung kaya ko pa bang tumayo nang wala ang mga ito.
Oo. Kaya ko. Kase wala naman akong magagawa.
Kung kaya’t hindi ko tinatanggap ang mga papuri bilang korona dahil para lamang ito sa mga taong ginustong tumungtong sa entablado’t kumaway sa madla habang nagbibigay ng mahinhing asta. Hindi humihinto sa pagsayaw ang apoy; gumagalaw ito nang walang humpay.
Sige, sabihin na nating arogante man sa mata ng iba, mas pipiliin kong manahimik. Mas pipiliin kong tumalikod kaysa masakal sa kanilang mga palakpak. Kaya ko pa ring maging apoy nang wala ang mga papuring galing sa mga payaso—mga papuring lumalabas lamang sa bibig dahil “kailangan.” Isa pa, hindi naman siguro mababawasan ang galing ko kung hindi na ako pupuriin, di ‘ba? Mas mabuti na itong ganito, kaysa masanay. Baka kase kapag hindi ko na marinig, hahanap-hanapin ko lang.
Pero, teka… Hindi ko nga ba tinatanggap ang mga papuri o hindi ko lang alam kung paano ito tanggapin?



