Dalangin ko’y gabayan ang taong bayan.
Sa ihip ng hangin, sa agos ng tubig,
sila pa rin ay nakatindig; hindi para lumaban sa dahas, kundi para makaahon sa hirap ng landas.
Kailan pa kayo magbubuklod upang aksyunan ang dulot ng bagyong hindi maiiwasan, ngunit sana man lamang ay napaghandaan?
Politiko.
Ano nga ba talaga ang ambag ninyo sa lipunan?
Nakaupo kayo, ngunit para saan?
Sampung libo para sa kinabukasan?
Ibabalik ninyo ba bilang alay ang pera ng bayan?
Nadama ninyo ba ang takot ng mga mamamayan, na sa buhay nila lamang ang tanging yaman?
Nasisilaw kayo sa magagarang mga bagay, ngunit hindi ninyo nakikita ang sinag ng unos na kailangan ihalintula ng mga magsasaka ng palay.
Sana nakatulong din kayo sa sakripisyo nila upang pakainin kayo. Kahit anong lakas pa ang hiyaw ng sambayanan, hindi ninyo maririnig ang mga hinaing, pagkat palasyo ninyo ay nakatukod sa lupang di nababahing.
Kaya ano ang silbi ng aming mga daing, pagkat sila’y natutulog lamang nang mahimbing? Natatanaw ninyo ang bansang binabaha dahil ni isa sa inyo ay hindi nagparaya.
Perang dapat sana’y nakalaan para sa tulay ng kahirapan, naging dulot pa ng pagbagsak ng sangkalupaan.
Kaya payo nila, tanggalin na lamang ang inyong bubong bago pa sumapit ang daluyong. Ngunit paano kung sa ihip ng hangin ang landas na hindi nila hangarin?
Natangay na ng hangin ang bubong na sana’y panangga sa sakuna na di na mapupuna.
Kailangan ba kaming matuwa sa bansang paulit-ulit ang tadhana?
Paano magiging sapat?
Ayuda mo’y di man lang makakatapat sa pinsalang dinulot ng kalamidad na nagudyok sa maraming buhay sa komunidad. Ito ba talaga ang realidad?
Kailan natin matatamasa ang tunay na kalidad ng pagbabago’t pag-unlad?
Hanggang patuloy tayong magiging bulag, tayo rin ang tanging bihag. Kaya sa susunod na pagkakataon, sana ay bigyang-tuon natin ang mga bagay na nakasasalalay sa ilaw ng kahapon.
Kaya imulat ang isipan; tandaan na may matandang kataga ng nakaraan: “Kabataan, pag-asa ng bayan.”
Hindi nasusukat sa edad kundi sa ginagawa at paninindigan. Sa atin ang tinig ng mga nagbibingi-bingihan.
Sa atin ang alas sa mga nagbubulag-bulagan.
Tayo ang apoy na babangon para sa abo ng dulot ng kalapastanganan.
Hindi pera ang basehan ng kaginhawaan; saksi ang taong bayan kung paano nilustay at pinagpiyestahan ng mga pulitikong nagwawaldas ng kayamanan.
Tapat na serbisyo ang kinakailangan.
Transparency for Better Democracy.



