Ang turo sa’kin ni tatay, para daw malinis ang paggupit, kailangan mong ipikit ang kaliwang mata, ibuka ang isa, patagilid na putulin ang bawat hibla. Madali lang. Basta dapat gamay mo ang gunting at suklay. Sa totoo lang, hindi naman na ako kailangan turuan ni tatay, alam ko na paano kumalbo, pumutol, at magpantay ng buhok.
Kung araw-araw ka sa barbershop, imposibleng hindi ka matututo. Imposibleng hindi mo mabilang ang bawat buhok sa sahig. Imposibleng hindi mo kabisado ang rekwes ni Manong Karlo na 3 inches lang ang bawas, hanggang tenga, dapat rakista pa rin ang dating. Imposibleng hindi mo marinig na may nakita na namang bangkay sa kanto. Imposibleng hindi ka matakot. Imposibleng hindi mo ma-proseso ang bawat kwentong sinusuklay ng isang barbero.
Kagaya ng kwento ni Milen, isang ale, biyuda, trentahin palang. Pinatay daw ang asawa sa may timog. Isinako at hinayaang isuka ng maruming sapa. Rebelde umano, kalaban ng gobyerno. Hanggang ngayon humihingi pa rin siya ng hustisya. Nakakatawa nga raw: saan siya hihingi ng hustisya? Sa diyos? O sa gobyernong may pinoprotektahan? Sabi ni Mang Tino, nasiraan na daw ng ulo ang ale, sabay hirit na kulayan nalang din ni tatay ang mga puting hibla sa kaniyang buhok. Kailangan bagets pa rin siya ‘pag dumadalaw sa kabit niya.
Ang paalala ni Toniya, kasamahan ni tatay, ang mga kwentong barbero ay kailangan daw na ituring na alamat. Dumadaan lang, ‘sinasalin, iba-iba, hindi isinasabuhay, hindi inililimbag, hinahanayaan lang na humupa, tumigil, hanggang sa tuluyan itong manahimik. Magkakaiba man ang hulma nito, iisa lang ang ugat ng bawat tiktik at patnig ng alamat. Patungkol sa isang diktador na pumapatay ng mga naghihimagsik.
Parang kasalanan ang patuloy na pakikinig sa mga kwento ni Tonya, Mang Tino, at Mang Karlo. Paano ba sinisikmura ang mga naratibong lumulutang, nawawala, at naglalaho na parang bangkay sa may kanto. Unang lumutang ang anak ni Aleng Sonya, aktibista raw, nagmamarunong. Pagkatapos, sunod na nawala ang mga ginugupitan ni tatay. Ewan kung bakit, pero parang natakot sila. Duwag. Kaya, naglaho na rin ang mga buhok sa sahig, tumahimik na ang kalansing ng gunting, ang suklay hindi na hibla ang sinusuyod, wala nang alamat na nakaambang sa may pintuan.
Hanggang sa ang bibig na nagsasalin ng kwento ay natikom na. Napatay na din ng diktador sabi ni Nanay. Nang tanungin ko kung sino si diktador, kung matalis ba ang ngipin at kuko nito, kung nakamasid ba ito sa dilim, naghihintay ng bibiktimahin, walang siyang masagot. Huling habilin niya’y ‘wag daw akong gumaya kay tatay. Huwag na akong magtangka ng rebolusyon at pagbabago, dahil hindi kayang malupil ng salita ang halimaw na namumuno sa isang bulag na bansa.
Lumipas ang ilang dekada. Nilimot na ang barbershop ni tatay sa may Cubao. Nilimot na rin ng karamihan ang mga kwento na nasa loob dito. Wala nang may pake. Walang may interes sa kung paano binugbog ang asawa ni Milen bago isako. Ang kwento ni tatay ay nanatiling kwento lang. Tama nga si nanay. Tama sila.
Tunay ngang mapangahas ang kahapon. Kahit pilit ko man itong gupitin, dumadalaw pa rin ito sa bawat puting hibla ng aking buhok. May ibinubulong pa rin ang nakaraan, hindi ko man marinig pero ramdam ko ang bawat patnig, titik, at diin. Hindi ko man tiyak, pero alam kong tungkul pa rin ito sa halimaw. Hindi na matapos-tapos, dahil hindi sila nauubos. Hindi napuputol. Kahit ipikit mo pa ang isang mata, habang nakabuka ang kanan, at patagilid na putulin ang bawat hibla. Nananatili silang nakaupo at nangangain. Hindi mo mapapatay kahit na gamay mo ang gunting at suklay.



