Malapit na pala ang Pasko, ngunit tila kahapon lang naganap ang Undas. Pa upos na ang mga kandilang kumurap sa hangin, unti-unti nang naglalaho at nalulusaw ang mga dekorasyong pang-Halloween, at nagsimula nang salubungin ng mga tao ang malamig ngunit masiglang araw ng pasko. Ilang buwan nalang din, bagong taon na. Taon ng panibagong istorya at pag-asa. Taon kung saan bagong oportunidad ay posibleng matatamasa.
Kay bilis lumipas ng panahon, habang ako ay nandito pa rin sa aking kwarto—patuloy na nakabilanggo sa anino ng isang multong hindi naman tao. Isang multong hindi namatay dahil hindi kailanman binuhay. Isang multo na hindi nakahimlay sa sementeryo, ngunit nakakulong sa sariling puso. Patuloy na binibisita, dala ang mga pangarap na kay muntikan nang nahawakan ngunit pinangunahan ng sariling pag-aalinlangan.
Patuloy na bumubungad tuwing umaga ang alalala ng mga kuwentong hindi kailanman naisulat dahil sa pag-aakalang baka hindi pa handa. At sa bawat gabi ay may mga bangungot ng sariling boses mula sa nakaraan na nagsasabing “Puwede mo naman sanang gawin. Bakit hindi mo sinubukan? Bakit ka natakot?” Lumamig ang ihip ng hangin. Walang malamig na hininga ang dumadampi sa batok, ngunit may mga “sana,” mga “dapat,” at mga “kung sinubukan ko lang,” na paulit-ulit umaalingawngaw sa isipan.
At kung minsan, habang lumulubog ang araw, sumisingit ang mga tanong na matagal nang iniiwasan: Paano kung sinubukan ko? Isa na kaya akong ganap na artista ngayon? Isang ganap na manunulat o mang-aawit? O baka sumasali na ako sa mga beauty pageant, o ‘di kaya hindi na ako nahihiya at kaya ko nang sumali sa mga debate? Ano kaya ang nadagdag o nawala kung hindi ako umatras sa unang takot?
Ngunit, ang pinakamasakit—
walang sagot.
Ni isa.
Kaya habang ang mundo’y patuloy nagbibilang ng araw papunta sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon, ako’y nakapako pa rin sa isang lumang kabanata—patuloy na nakakulong sa sariling multo. Ang mga multong nakapalibot, nakadikit, at nakaabang. Ito na siguro ang multong hindi ko magawang hindi katakutan. Ang mga multo ng “kung hindi lang ako natakot,” “sayang,” “baka,” at maging multo ng “pwede pa sana pero hindi ko ginawa,”
Multong hindi umaalis. Hindi nagpapahinga. Araw-araw kumakatok. Hindi malakas—hindi dramatiko, ngunit walang hinto.
At baka sa darating pang mga taon—
nandito pa rin sila.
Tahimik.
Mabigat.
Buhay na buhay.



