Isang daan at dalawampu’t walong taon na ang lumipas mula nang kumawala ang Pilipinas sa mga kamay ng mga dayuhan.
Isang daan at dalawampu’t walong taon na ring iwinawagayway ang bughaw at pula ng watawat sa himpapawid—bilang paggunita sa mga bayani, pag-awit sa kalayaan, at pag-asa para sa isang bayang malaya.
Isang daan at dalawampu’t walong taon mula nang itaas ang sagisag ng isang bansang nangangarap ng kasarinlan.
Ngunit sa bawat kumpas ng tela sa hangin, tila may mga tanikalang hindi pa rin napapatid. Sapagkat habang malaya ang watawat sa paglalayag sa himpapawid, marami pa ring Pilipino ang nananatiling bihag—hindi ng dayuhan, kundi ng mga sugat na nagmumula sa loob mismo ng bayan.
Habang ang ilan ay patuloy na binibilang ang natitirang barya sa kanilang mga palad, ang iba nama’y hindi na kailangang magtago sa anyo ng karukhaan. Nakabalot sa kanila ang mga mararangyang kasuotan. Ang kanilang buhok ay kasing kinis ng seda, kasing puti ng talulot ng sampaguita. Mga diyamante ang kumikislap sa kanilang leeg at pulsuhan, habang ang mga perlas ay tila sumasayaw sa bawat galaw.
Ngunit sa likod ng kinang, ang paligid nila’y patuloy na inaalon ng basura. Umaapaw ang mga kanal. Umaalingasaw ang mga estero. Nakasabit sa mga kable ang mga kupas na tarpaulin ng mga pamilyang patuloy na humahawak sa kapangyarihan. Sa bawat sulok ng lansangan ay may mga mukhang hinubog ng araw, pawis, at walang sawang paghihintay.
At tulad ng tatlong araw na sumisimbolo ng tatlong pulo, patuloy pa ring humahampas sa taumbayan ang gutom, kahirapan, at mga pangakong hindi kailanman nakarating sa kanilang mga tahanan.
Nananatiling sugatan ang bandilang sagisag ng ating kasarinlan at katapangan.
Sapagkat matapos tayong kumawala sa mga kamay ng mga dayuhan, tila muli tayong nabihag—sa pagkakataong ito, sa mga palad ng sarili nating kababayan.
Hindi tayo nasawi sa kamay ng dayuhan; unti-unti tayong namamatay sa kamay ng kapwa Pilipino.
Sa paggunita ng isang selebrasyong dapat sana’y mapagpalaya, patuloy na isinusugal ng mga estudyante ang kanilang kinabukasan sa isang edukasyong patuloy na sinusubok ang kanilang halaga. Ang mga palad ng manggagawa’y unti-unting nawawalan ng kinis sa bawat araw ng pagkayod. Ang mga magsasaka nama’y ibinibilad ang kanilang mga katawan sa ilalim ng araw upang may maihain sa mga hapag na madalas ay hindi naman kanila.
Tulad ng watawat na walang kapagurang hinahampas ng hangin, patuloy silang inaalon ng mga pagsubok.
At habang patuloy na sumasayaw ang bughaw at pula sa himpapawid, nananatili ang katahimikang hindi mabura ng mga seremonya, talumpati, at pagdiriwang.
Sapagkat matapos ang isang daan at dalawampu’t walong taon ng kalayaan, may mga tanikalang hindi pa rin napapatid.
At marahil iyon ang pinakamasakit na sugat sa laylayan ng ating watawat—na sa bawat pagwagayway nito, ay paalala ng isang bayang hindi pa rin lubusang nakakalaya.
