Sanay ang mga kamay kong humawak ng patalim. Kung hindi sa balat ay sa papel ko ito iniuukit upang mag-iwan ng bakas. Hanggang ang dugo ay maging tinta, at ang mga sugat ay maging pangungusap.
Sa bulubundukin ng salat at bulwagan ng mga bulag, iginuhit ko ang sumpa ng aking tadhana. Tinipon ko ang bawat artikulo sa pagitan ng dalawa kong palad—isang kapos sa katotohanan, isang nanlilimos ng hustisya.
Noong gabing umaalulong ang putukan, tumingala ako at humiling sa bulalakaw. Bumagsak ka nawa sa lugar ng mga uhaw sa liwanag. Ipakita mo kung paano ka minsang naghangad ng langit pero tinalikuran ng kalawakan.
Dahil baka sakaling ako ay magising at bangungot lang ang mga sigawan. Walang baril ang naghihintay kumalabit sa pag-uwi ko ng bahay. May laya ang aking mga kamay na dumugo at sumulat para sa bayan kong inilibing sa utang.
Natuto akong lumangoy sa mga salita nang hindi malunod sa kalaliman. Subalit, kung uulan man ng mga ligaw na bala—wala akong kakayahan na umilag. Ang pahina ay malilipat at may dangal akong babalik sa lupa.
Dugong pula. Dugong tinta.
Tumatagas sa papel at mapait sa dila.
Binalot na ng pulbura ang dating bandila.
Pilipinas, kailan ka makakalaya?



