“Sige brad mga bandang 9pm, patulog na kasi si Ermat niyan. Oo, hindi ako mali-late, siguro mga 10PM─huling hirit. Deal! Si Boy Panda ba pupunta? Ah sige sige, teka teka…Ma—” hindi pa man tuluyang napapatay ang cellphone ay ibinulsa na.
Tisoy kung tawagin ako ng mga kapitbahay namin dito sa Tondo. Siguro dahil sa mamula-mulang kulay ng aking balat. Pero ano ba namang magagawa ko, ito lang naman ang minana ko sa tatay kong Kano. Hindi ko nga alam itsura no’n eh, ni-picture wala ako. Basta na lang daw iniwan si mama nang malamang nakapagpunla na. Hanep ‘di ba! Hayaan mo na nga, mahalaga napagkikitaan lahi niya.
Araw-araw iba’t ibang mukha ang aking nakasasalamuha. Iba’t ibang kulay na mga magagarang damit at mga karakter ang aking ginaganapan. Camera rito, camera roon. Lahat na ata ng uri ng props nagamit na namin. OA mang pakinggan pero pati ata mga gulay sa kantang bahay kubo ay nagamit ko nang panakip.
“Awesome! Sige ibaling mo naman sa kanan. Perfect! Kaya hindi nakapagtataka na maraming nag-aavail sa mga videos mo,” patutsada ng masukistang photographer.
Kailangan kong kumayod nang husto, hindi lang kasi pandemya ang dumating sa’kin nitong kamakailan. Gulat na lang ako isang umaga, kumakatok sa bahay ang ex ko at may bitbit na sanggol─si Junior. Litanya pa niya, nang maghiwalay daw kami ay buntis na siya. Putsa! Tatalikuran ko na sana pero laking gulat ko sa lapad ng ngiti ni mama nang makita. Kaya sa madaling salita, pikit-matang tinanggap kong huminto sa pag-aaral at gawing umaga ang gabi sa pagtatrabaho. Salesman sa araw at freelance model kuno pagsapit ng dilim.
Sa mundong patuloy na umiigting ang dibisyong naghihiwalay sa liping pinagpala at mga dukhang kumakapit sa paniniwalang ‘Pag may tiyaga’y may nilaga’, at sa lipunang talamak ang mala-tigreng sasakmal sa ‘yong pangarap at batayang karapatan habang lumalangoy sa yamang maghapong binungkal ng masa, walang puwang ang konseptong pahinga. Maging sa pagtulog ay babangungutin ka ng pangambang hatid ng paparating na umaga.
Mabuti na lamang ay dumating sya. Ibang-iba pala ang pakiramdam kapag hawak mo ang ‘yong anghel. Ginagamot ng kaniyang mga ngiti ang mukha kong bakas ng pangangamba. Sa pagkapit ng mga malilit niyang kamay, tunay na pinagagaan niya ang buhay. Hubdan man ako ng mundo, kinukumutan naman ako sa bawat haplos ng kaniyang kamao.
“Boy sa sabado raw ulit, collab naman.” Dating gawi, trabaho uli.
Pagmamahal pa bang matatawag ang ganitong kalakalan? Hinahayaan kong pagpiyestahan ng mga mata ang aking katawan, bago tuluyang makabili ng gatas sa ’king anak na pitong buwan?



