5 misteryo ng Apatnapu’t Araw na Pagpapakasakit
Hindi kailanman banal ang karahasan.
Sa pagtatapos ng buwan na inilaan para sa kababaihan, at ngayong tapos na ang Semana Santa—ang panahong inaalala ang pagpapakasakit ni Hesus—may isang pangalan na bumubulong ng katahimikan at alaala, Junko Furuta.
Sabi nila, kayamanan daw sa buhay ang mga babae. Ngunit, mayroong isang kuwentong hindi nabigyan ng hustisyang sapat at kalayaang salat, buhay na tila isinakripisyo sa altar ng karahasan.
Kung paanong si Hesus ay pinahirapan yaong siya naman ay walang sala, si Furuta naman ay dinala sa isang impyernong hindi niya inaasahan, at lubos niyang kinamuhian. Hindi man niya pasan ang krus na kahoy, ngunit dala niya ang bigat ng bawat sugat at pagpapakasakit. Hindi man niya suot ang koronang tinik, ngunit ramdam niya ang talim ng paglapastangan. Paulit-ulit siyang inabuso gayong ang ginawa niya lamang ay tumanggi, hindi sumunod sa mali, at maging babae sa mundong hindi marunong tumanggap ng “hindi.”
May mga sugat pa rin pala na hindi naghihilo. At, may hustisyang patuloy pa ring ipinagkakait.
Ang Perpektong Buhay ni Junko Furuta
Si Junko Furuta ay iisang simpleng estudyante mula sa Misato, Saitama Prefecture sa Japan. Sa panlabas, wala siyang pinagkaiba sa iba—isang dalagang may pangarap at may mundong unti-unting binubuo. Ngunit sa mata ng kanyang kapaligiran, siya ay babaeng may kaakit–akit na itsura, maayos makitungo, at hinahangaan ng marami.
Sa likod ng paghanga kay Furuta, hindi nawawala ang animo’y inggit. Naging tinik ang kanyang kagandahan at kabaitan niyang taglay. Sa lipunang mapanghusga, may kapalit ang perpektong buhay ni Furuta. At sa bawat taong tumitingala sa kanya, may mga mata ring nagbabalak na hilahin siya pababa.
Isa sa mga ito ay si Hiroshi Miyano—isang kabataang kilala hindi sa kanyang talino o kabutihan, kundi sa takot na dala ng kanyang pangalan. Nang siya’y tanggihan ni Furuta, naging insulto para sa kanya ang simpleng “hindi.” At sa sistemang hindi sanay turuan ang lalaki na tumanggap ng pagtanggi, napunta ang kanyang galit sa hindi inaasahang karahasan.
Hakbang Pasulong sa Kadiliman
Noong ika-25 ng Nobyembre, 1988, umuwi si Furuta mula sa paaralan. Isang rutang ilang beses niya nang dinaanan, kung kaya’t para sa kanya, ito’y ligtas. Ngunit sa araw na iyon, ang animo’y ligtas na daan ay ang naging simula ng kayang pagkawala.
Siya ay dinukot nina Hiroshi Miyano, Nobuharu Minato, Jo Kamisaku, at Yasushi Watanabe. Mga kabataang ang edad ay hindi naging hadlang upang gawin ang isang krimeng lampas sa kayang unawain ng konsensya. Si Kamisaku, isa sa mga nagsagawa ng krimen ay may koneksyon sa Gokuto—Transnational Syndicate mula sa Japan—kung kaya’t pamilyar na siya sa krimen.
Pinilit si Furuta na tawagan ang kanyang mga magulang at sabihin na siya ay ligtas. Pinuno ng takot si Furuta. Sa sandaling iyon, ang kanyang boses ay hindi na kanya.
Dinala siya sa isang bahay sa Ayase, Adachi, Tokyo. Doon nagsimula ang kwento ng paghihirap na hindi lamang bunga ng galit ng iilan, kundi ng katahimikan ng marami.
Apatnapu’t Apat na Araw ng Paghihirap
Sa loob ng 44 na araw, si Junko Furuta ay isinailalim sa iba’t ibang uri ng karahasang naging paulit-ulit na siklo ng paghihirap—yaong bawat araw at may bagong paraan upang siya’y pahirapan.
Pinakain siya ng buhay na ipis. Pinainom ng sariling ihi. Sinunog ang kanyang katawan. Paulit-ulit na ginahasa. Hindi lamang ito pisikal na pananakit, kundi isang pagtatangkang burahin ang kanyang pagkatao—ang kanyang dignidad, ang kanyang pagkababae, ang kanyang pagiging tao.
Ngunit higit pa sa kanyang pisikal na sugat, ang katahimikan ng mga taong nakapaligid ang tunay na sumaksak sa kanya. May mga nakakaalam. May mga nakakarinig. Ngunit pinili ang hindi kumilos. Hindi lamang gawa ng apat ang krimen, dahil sa pagtikom ng bibig ng mga tao, unti-unti na siyang pinapatay nito.
Tinangka man na itago ang krimen sa tangke na nilagyan ng semento, hindi kailanman maitatago ang katotohanan. Dahil ang ganitong uri ng karahasan, gaano man kalalim ilibing, ay patuloy na umaalingawngaw.
Ang Kuripot na Hustisya
Matapos ang lahat ng nangyari, ang inaasahang hustisya ay tila naging manipis—yaong tela na hindi sapat upang takpan ang sugat. Dahil menor de edad ang mga salarin, ang parusa ay naging limitado. Nakulong lamang sila nang walong taon.
Si Hiroshi Miyano, ang pangunahing utak, ay nakulong nang mas matagal. Ngunit kahit pa dagdagan ang bilang ng taon, nananatiling kulang. Ilang taon ba ang katumbas ng bawat sigaw, bawat luha, bawat araw na ninakaw sa kanya?
Mas masakit pa, ang ilan sa kanila ay nakalaya at nagpatuloy sa buhay. Si Jo Kamisaku ay muli pang nasangkot sa krimen—malinaw na ang hustisyang kulang ay muli pang pinahintulutan.
Pagninilay sa Krus ng Kababaihan
Bago siya naging pangalan na inuusal sa gitna ng galit at pagdadalamhati, si Junko Furuta ay isang anak na may tahanang inuuwian, isang kaibigang may tawang marahang kumakapit sa hangin, isang dalagang tahimik na bumubuo ng sariling bukas. May mga araw siyang payapa—mga hakbang pauwi sa dapithapon, mga salitang magaan sa dila, mga pangarap na hindi man malaki, ngunit sapat upang magbigay-liwanag sa isang mundong unti-unti pa lamang niyang binubuo.
Sa alaala ng mga nakakilala sa kanya, hindi siya trahedya kundi presensya—buhay, mainit, at may saysay. Isa siyang tinig na marunong makinig, isang pusong marunong umunawa, isang pagkataong hindi dapat kailanman binura ng karahasan. Bago siya naging kwento ng sakit, siya’y tao lamang, katulad natin.
Hindi siya isinilang upang maging simbolo ng kabiguan ng lipunan. Hindi siya nabuhay upang maging paalala lamang ng ating pagkukulang. Nabuhay siya nang may buong karapatan sa saya, sa pangarap, sa kinabukasang marahas na ipinagkait sa kanya.
At kung siya man ay ating aalalahanin, nawa’y hindi lamang sa paraan ng kanyang pagkawala—kundi sa liwanag ng kanyang presensya. Sapagkat bago siya naging sugat sa kasaysayan, siya ay minsang naging buhay na may pangalan, may mukha, at may mundong karapat-dapat sanang magpatuloy.
Sa paglipas ng mga araw ng paggunita, nananatiling sariwa ang kanyang kwento—hindi lamang bilang alaala ng nakaraan, kundi bilang sugat na patuloy na humihinga sa kasalukuyan.
Ito ay dapat maging panawagan—na ang bawat “hindi” ay igalang, na ipagtanggol ang bawat babae, na wasakin ang katahimikang matagal nang nagsilbing kasabwat ng karahasan.
Siya, si Junko Furuta, ay hindi lamang salamin ng ating lipunan—kundi anino ng ating pagkukulang at bigat ng ating responsibilidad.
At kung may krus mang dapat buhatin ngayon, ito ay hindi ng mga biktima—kundi ng isang lipunang kailangang matutong ipagtanggol ang mga taong naghahanap ng hustisya.



