Napakaraming handa sa mesa para sa salubong ngayong bagong taon: spaghetti, salad, shanghai, pansit, at sandamakmak pa. Gayunman, napakaraming kulang— hindi pagkain, kundi mga pamilyang dapat sana'y katabi ko sa mga silyang hindi na nila kailan man naupuan pa. Sa paglipas ng mga taon ay siya ring paglipas ng mga mahal ko sa buhay. Hindi na ako magugulat at magtataka pa kung isang araw sa susunod na mga taon, wala nang matira sa mesa't mga silya.
"Wow andaming handa," hiyaw ko sa tuwa nang makita ko ang mga paborito kong pagkain sa hapag— ngunit musmos pa lamang ako noon. Maraming handa dahil maraming kamay din ang gumagawa— nariyan sina mama, papa, kuya, ate, pinsan, lolo't lola, at napakarami ko pang mga kamag-anak. Ngayon, bawas na— hindi ang lumpiang shanghai sa tupperware ni mama kundi ang mga kamay na gumagayak sa mga lulutuin.
Putukan na sa labas— lahat sila'y sinasalubong ang bagong taon, habang ako nakatulala sa hapag. Hindi ko sinalubong ang bagong taon, ang mga alaala ang basta na lamang pumuslit sa aking tahimik na isipan. Wala nang mga bilog na prutas o kung ano man sa aking paligid, sapat na ang mundong pabilog— wala akong sulok na mapagsisiksikan ng aking kalungkutan.
Siguro kung narito si mama, meron akong spaghetti na malalantakan.
Siguro kung narito si papa, meron akong sisig na pagsasawaan.
Siguro kung narito sina ate at kuya, may kasama akong kumanta sa karaoke.
Siguro kung narito ang mga pinsan ko, sabay-sabay kaming mag-iinuman hanggang kinabukasan.
Siguro kung narito silang lahat, sabay-sabay kaming gigising sa umaga at magsasalo-salo sa hapagkainan.
Siguro kung narito rin sina lolo't lola, may pra na rin ako sa bulsa na pasimple nilang isinuksok.
Maraming nagbago, napakalayo ng luto ko sa masarsang mga luto ni mama. Hindi ko tanda ang isasahog sa sisig ni papa. Hindi ko na rin rinig ang boses nina ate't kuya. Hindi na rin ako humawak pa ng alak— ni lasa nito'y 'di ko na alam. Maging ang mga haplos ng aking lolo't lola'y hindi ko na ramdam ang init.
Kung makahihiling lamang ako sa bagong taon, hiling ko'y hindi nalang muli ang bagong taon ang aking sasalubungin— kundi ang mga taong dapat sana'y nakapalibot sakin sa bagong taon na gusto kong simulan kasama sila at tapusin nang sila-sila pa rin ang nakapalibot sa mesa at naka-upo sa kani-kanilang mga silya.



