Tirik na ang araw sa bughaw na kalangitan, maingay at mausok na rin ang kalsada dahil sa mga taong papasok sa paaralan at sa kanilang mga trabaho. Kung sa probinsya mga huni ng ibon na tila umaawit ang iyong maririnig, ngunit dito sa Maynila huni ng mga sasakyan ang sasalubong sa iyo—isang ingay na hindi lamang sumasalamin sa bilis ng buhay sa lungsod, kundi pati na rin sa bigat ng mga suliraning kinakaharap ng mga mamamayan sa araw-araw.
Dahil dito, may mga i-ilang tao ang mas pinipili na lang na maglakad upang makapunta sa kanilang paroroonan dahil sa mahal ng pamasahe sa panahon ngayon. Kapansin pansin rin ang pag-konti ng mga jeep na pampasada; marahil ay mas pinili nilang tumigil muna sa paghahatid ng mga pasahero dahil sa umaambang pagtaas muli ng langis.
Ilang minuto rin akong nag-antay bago makasakay sa jeep. Bilang lamang sa kamay ang mga pasaherong kasabay kong sumakay, hindi tulad noon na kahit umaga pa lang ay puno na agad at halos hindi na magkasya ang mga pasahero.
"Ang dalang ng mga pasahero ngayon," ani ng driver na bakas sa kanyang boses ang lungkot.
"Ilang taon na po kayo bilang jeepney driver?" Hindi ko maiwasang tanungin ito dahil sa pagka-kuryoso.
"Dalawang dekada na akong namamasada, ito na lang ang bumubuhay sa aking pamilya," sagot naman nito sa akin bago ngumiti ng marahan.
Halata na ang katandaan sa kanya, puti na ang mga hibla ng kanyang buhok ngunit hindi ito naging hadlang sa kanya upang tumigil sa pagkayod upang buhayin ang kanyang pamilya.
"Nalulungkot nga ako na baka sa susunod ay hindi na ako maka-pasada dahil sa mahal ng langis," dagdag nito.
Bakas sa kanyang mga mata ang pangangamba at lungkot sa mga posibleng mangyari kung sakali mang hindi agad maaksyunan ang krisis na ating hinaharap.
Tumango nalang ako bilang tugon sa kanyang sinabi.
Ang lungkot lang isipin na kahit malubak ang daan, sinisikap parin n'yang pumasada upang mahatid ang kanyang mga pasahero sa kanilang mga pangarap. Ngunit sino naman ang maghahatid sa kanya patungo sa kanyang sariling pangarap lalo na’t sa panahon ngayon na kada araw na lumilipas ay mas lumulubak pa lalo ang daang ating tinatahak.
Ang gobyerno? Ang gobyernong imbis na ayusin ang mga lubak sa kalsada, sila mismo ang nagiging dahilan kung bakit ito nabibitak; sila ang nagiging hadlang para sa mga taong gustong makapunta sa kanilang paroroonan ngunit hindi kinakaya dahil sa malubak at sira-sirang daan.
Bago ako bumaba ay nag-abot ako sa kanya ng isang libo, hindi ko na kinuha pa ang sukli para kahit papaano ay makatulong ako sa kanya kahit sa munting paraan lamang.
Sa laban ng drayber, kasama ang komyuter.



