Ilang oras na lamang ang natitira bago sumapit ang bagong taon—ang pagdiriwang na hinihintay ng karamihan. Isang gabing puno ng tawanan, sayawan, hiyawan, at higit sa lahat, salu-salong buo ang pamilya. Nakakainggit, hindi ba? Buti pa sila, kumpleto. E, kami? Ang taong ito ang sumira sa amin—sa pamilya ko.
Habang lumalalim ang gabi, lalo ring umiingay ang paligid. May mga nagpapaputok, may mga batang nagtotorotot. Habang sila’y masayang nagdiriwang, ako naman ay mag-isang nakaupo sa hapag-kainan. Habang sila’y lumilikha ng masasayang alaala kasama ang mga mahal nila sa buhay, ako nama’y nagbabalik-tanaw sa mga panahong buo pa kami bilang pamilya. Unti-unti kong ipinikit ang aking mga mata at humiling na sana, sa huling hibla ng taong ito, maramdaman ko muli ang presensya nila.
JANUARY 2025
Sabi ni inay, kailangan daw naming magtipid, lalo na ngayon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Ultimo sibuyas na dating sampung piso lamang ay parang ginto na ang halaga ngayon. Labandera ang aking ina, at construction worker naman ang aking ama. Hindi kami ganoon kayaman upang bilhin ang lahat ng gusto naming bagay. Sa sobrang pagtitipid, halos hindi na kumakain ang aking mga magulang, masigurado lamang na busog kaming magkakapatid.
Hindi ko tuloy maiwasang mainggit sa mga mayayaman, lalo na sa mga nakaupo sa senado. May pribilehiyo silang makuha ang lahat ng gusto nila—kaya nilang kumita ng malaking pera kahit tila wala silang ginagawa. Samantalang ang mga magulang ko, na halos hindi na umuuwi para lamang masuportahan kami, ay kakapiranggot lang ang sinasahod. Tumataas ang presyo ng bilihin, ngunit ang sahod ng mga manggagawa ay nananatiling mababa. Ngayon ko naunawaan kung bakit mas pinipili ng ilang Pilipino ang magtrabaho sa ibang bansa kaysa manatili sa isang bayang may bulok na sistema.
FEBRUARY 2025
Isang malamig na gabi ng Pebrero, umuwi si itay na may dalang supot ng bigas at ilang lutong ulam. Halata ang pagod at lungkot sa kanyang mukha, ngunit nanatili pa rin siyang nakangiti habang binabati kami. Pagkatapos naming maghapunan, lumabas sina inay at itay. Hindi ko sinasadyang marinig ang kanilang usapan—natanggal daw si papa sa trabaho.
Doon ko naintindihan kung bakit mabigat ang kanyang loob nang umuwi siya kanina. Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit siya natanggal. Kilala ko ang aking ama bilang masipag—halos hindi na nga siya umuuwi para lamang kumita. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga magulang dahil sa hirap ng buhay, kaya’t limitado rin ang trabahong kanilang mahahanap. Bakit ba napakataas ng pamantayan ng mga kumpanya? Kailangan ba talaga ng diploma kahit sa simpleng trabaho? Magluluto at maglilinis ka lang, pero kailangan mo pang makapagtapos. At pagkatapos, minimum wage lang ang sahod—ni hindi sapat sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Nalungkot ako para sa aking mga magulang. Saan na kami kukuha ng pagkain araw-araw? Kahit pa bumaba ang inflation noong nakaraang buwan, nawalan naman ng kabuhayan ang aking ama.
MARCH 2025
Isang buwan na ang lumipas simula nang mawalan ng trabaho si itay, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang nahahanap. Dahil si inay na lamang ang may trabaho at matumal pa ang nagpapalaba, minsan isang beses na lang kami kumakain sa isang araw. Madalas din kaming pumapasok sa paaralan nang walang laman ang tiyan. Ngunit kahit ganoon kahirap ang buhay, nanatili pa rin kaming magkakasama at masaya. At iyon ang mahalaga sa akin—ang makasama sila hanggang sa aking pagtanda.
APRIL 2025
Sa tindi ng init ngayon, kulang ang isang ligo sa isang araw. Isang linggo ring suspendido ang klase dahil sa panganib na dulot ng panahon. Dahil dito, naisipan kong magtrabaho bilang kargador sa palengke upang makatulong sa aking mga magulang. Hindi sila pumayag; mas gusto nilang unahin ko ang aking pag-aaral. Ngunit hindi ako nakinig.
Halos gabi na ako nakakauwi araw-araw. Pagod ang katawan, ngunit pag-uwi ay modules naman ang aking hinaharap. Mahirap, oo, pero hindi ako maaaring sumuko. Gusto kong makatulong—iyan lang ang mahalaga.
MAY 2025
Simula na naman ng eleksyon. Ibig sabihin, laganap na naman ang mga mukha ng kandidato sa mga poste at pader, at ang kanilang mga pangakong kasingganda ng bulaklak—pero panandalian lang. Nakakapagod nang makinig sa mga salitang paulit-ulit, ngunit hindi naman tinutupad. Hindi ba nagsasawa ang mga tao sa ganitong uri ng mga pinuno? O baka nabubulag ng pera?
Talamak ang vote buying—pati mga Pilipino sa ibang bansa ay naaabot na. Kung patuloy tayong magbubulag-bulagan, may pag-asa pa kayang umunlad ang Pilipinas?
JUNE 2025
Habang nanonood ako ng balita, tinalakay ang kontrobersyal na isyu tungkol sa West Philippine Sea. Malinaw naman sa batas na atin iyon. Ngunit bakit tila binabalewala ng Tsina ang desisyon ng The Hague? Kung tuluyan itong maagaw, hindi lamang isda at likas-yaman ang mawawala, kundi pati ang ating karapatan bilang isang bansa. Hindi lang ito laban ng bansa sa bansa; laban ito para sa ating soberanya. Nakakagalit at nakakalungkot, ngunit alam kong mahalagang ipaglaban ang atin.
JULY 2025
Dumating na naman ang maulan na panahon—ang panahong pinakaayaw ko. Nagising ako sa ingay ng ulan sa yero at sa malakas na hangin. Nagmamadaling itinaas ng aking mga magulang ang aming mga gamit dahil inaabot na ito ng baha. Tinulungan ko sila nang walang pag-aalinlangan.
Pagkatapos, sumilip ako sa bintana. Ramdam ko ang malamig na simoy ng hangin. May mga natumbang puno at poste, at mga yerong tinatangay ng hangin. Pangamba ang bumalot sa akin. Kahoy lamang ang aming bahay—hindi imposibleng kami na ang susunod. Ngunit sa awa ng Diyos, ligtas kami at hindi gaanong napinsala ang aming tahanan.
AUGUST 2025
Halos isang buwan pa lamang ang lumipas mula nang manalasa ang bagyo, ngunit heto na naman kami. Mas malakas ang unos ngayon. Lagpas-baywang na ang baha at wala pa ring rescue team. Dahil patuloy ang pagtaas ng tubig, napilitan kaming umakyat sa bubong.
Mas lalo akong nangamba nang umiyak ang aking nakababatang kapatid. Natatakot din ako—gusto ko ring umiyak—ngunit pinili kong maging matatag. Lahat ng kapitbahay namin ay nasa bubong na rin. Napaisip ako: nasaan na ang flood control project na ipinangako? Pitong taon na ang lumipas, pero parang walang nagbago. Saan napunta ang bilyon-bilyong pisong inilaan? Habang sila’y sakay ng magagarbong sasakyan, kami’y lumulutang sa gitna ng trahedya.
Mabuti na lamang at dumating ang mga rescuer at nailikas kami nang ligtas.
SEPTEMBER 2025
Akala ko tapos na ang mga pagsubok, ngunit nagkamali ako. Isang tahimik na gabi ang biglang niyanig nang malakas na lindol. Sa isang iglap, ako lamang ang nakaalpas palabas. Gumuho ang aming bahay—kasama ang aking pamilya.
Nakatulala ako sa lupang lumamon sa lahat ng mahalaga sa akin. Sinubukan kong kurutin ang sarili ko, umaasang panaginip lang ito. Ngunit totoo ang sakit. Totoo ang luha. Bakit ako? Pagsubok ba ito o parusa? Unti-unting nagdilim ang aking paningin habang bumagsak ako sa lupa.
Pagdilat ko ng aking mga mata, kasabay nito ang muling pag-ingay ng paligid—mga paputok, sigawan, at makukulay na ilaw sa bintana. Habang sila’y masayang sumasalubong sa bagong taon, ako nama’y mag-isang humaharap sa bagong yugto ng aking buhay.
Isa lamang ang hiling ko: sana, sa taong ito, maging mabuti naman ang mundo—sa akin at sa atin.



