Tila kay lamig ng iyong pakikitungo sa akin, na para bang may nagawa akong mali sa iyo. Ipinangako mo sa akin na ako ay iyong mamahalin nang pang-habang buhay, ngunit tila ay nawawalan ka na ng gana sa akin. Tila ay bumabalik ka muli sa dating ikaw—dating ikaw na nagiging malamig kapag wala ka nang paki sa mga tao.
Bumalik na ba ang pagmamahal mo sa kaniya? Nanumbalik na ba ang kislap ng iyong puso sa kaniya? Paano naman ako na ginawa naman ang lahat para lang mahalin at pansinin mo ako? Ilang beses akong nagmakaawang ako ay mahalin mo pabalik, ngunit tila yata ako lamang ay iyong ginamit upang makalimutan siya. Ginawa mo lamang akong laruan upang may mapaglibangan ka.
Sa disperas ng pasko na ang ating anibersaryo, ngunit tila ay hindi mo na naalala ang ating espesyal na pagdiriwang. Tila ay mas pinapansin mo pa ang wangis ng dati mong iniibig, mas minamahal mo siya kasya sa akin na ginagawa ang lahat, ibinibigay ang lahat, mahalin mo lang pabalik.
Buwan-buwan akong umiiyak sa aking kwarto matapos mo akong pagsalitaan ng mga masasakit na salita, araw-araw akong nagdurusa sa sakit ng ipinaparamdam mo sa akin. Taon-taon akong nagmamakaawang mahalin mo ako pabalik, gaya ng pagmamahal ko sa'yo nang lubusan. Hindi pa ba sapat ang mga ginagawa ko?
Hindi pa ba sapat lahat ng sakripisyong aking ginawa mapasaya ka lang? Ano ba ang meron sa lalaking iyon na wala ako? Ano ba ang mayroon siya na wala sa akin? Kasing lamig ng simoy ng hangin ngayong Disyembre ang pagmamahal mo sa akin, kasing lamig nito ang puso mong nasa kaniya pa rin. Ako ang iyong pinakasalan at ako ang nasa tabi mo, ngunit nasa kaniya naman ang pagmamahal mo at ang atensyon mo. Ano ang laban ko sa kaniya?
Ilang taon na tayong kasal, ngunit ang atensyon mo ay nasa kaniya pa rin, ang pagmamahal na dapat mong ibigay sa akin ay nakalaan sa kaniya. Sana, sana ngayong darating na pasko ay magawa mo rin akong mahalin. Sana ngayong pasko ay magkaroon ka rin ng kaunting pagtingin sa akin. Kay tagal ko ng namamalimos ng pagmamahal at atensyon mo. Kay tagal ko nang pangarap na mahalin mo kahit na katiting. Pakiusap, ako naman bigyan mo ng pagmamahal na iyan.



