Nagunita sa akin ang unang pagkakataon na takot pa akong humakbang sa hagdanan ng entabladong ito. Kaya nang isabit sa akin ang medalya at iabot ang diploma, sinulit ko pa lalo ang iilang segundo at huling pagkakataon na nandito ako. Nilingap ko ang mga mukha sa ibaba para hanapin ang aking mga kaibigan.
Pero nang hindi mga kaibigan kundi ang iyong pamilyar na pigura ang aking masulyapan, doon pa lang, alam kong sapat na para masabi kong ‘tapos na’.
Valedictorian ako, hindi nga lang sa puso mo. Pero ayos na rin itong “Best in Yearning” award ko, ‘no? Basta nakapagtapos ako, at katulad pa rin naman ito ng ipinangako ko sa'yo na magtatapos ako sa kursong ito at sa iyo.
Sa pagbaba ko ng entablado, huwag sana ikagalit ni Carson na “Burnout” ni 3D ang tanging naririnig ko at hindi bridge ng "Huling Sandali" ni Kamikazee o koro ng “Saranggola” ng Ben&Ben na aming graduation song.
Wala eh. Kay tagal kitang minahal at minamahal. Natutuhan kong mangarap nang ubod nang taas, pero tinuruan mo akong hindi lahat ng kasama kong mangarap ay kasama ko rin sa pagtupad. Natutuhan kong mahalin ang bawat sulok mo, pero mas tinuruan mo akong mahalin ang sarili ko.
Sana… Itabi mo pa rin ang mga tulang bigay ko at ang naiwan ko sa’yong paborito kong dilaw na anik-anik. Hayaan mo... Itatabi ko rin sa aparador ang mga lantang bulaklak na ibinigay mo kada buwan. Itatabi ko pati na rin ang basag na bersyon ng sarili kong ikaw lang ang buong yumakap.
Kung magkrus pa ang ating mga landas sa sakayan ng dyip, sa dati nating tambayan, o sa pagkakataong wala akong kolorete at nakapambahay lang, oh edi ayos. Maaalala ko lang naman na minsan kang naging parte ng kung sino ako – hinding-hindi mabubura iyon.
Kung ako, pilit mong nililimot, nauunawaan ko. Pero sana alam mong hindi kita kayang limutin.
Ang maka-graduate sa'yo ay hindi pagbura sa ating pinagsamahan, pero ang pagtanggap na may mga bagay na dapat hayaan na lamang bilang mga ala-ala ng nakaraan, kahit na gaano mo ito minahal at minamahal.
Ngayon, mas mahal ko na ang sarili ko. At hindi ko na papaabutin ng pitong taon itong pangungulila sa kung ano mang mayroon tayo.
Ma, pa, sa wakas, graduate na ako. (Graduate na rin sa'yo)
To God be the Glory.



