Sa karamihan, hindi lang basta paaralan na huhubog sa’yo patungo sa iyong pangarap ang Unibersidad ng Pilipinas. Dahil ang makapasok dito ay ang mismong pangarap na. At sa libu-libong sumusubok na makapasok dito, iilan lang ang pinapalad.
Ilang buwan mong pinaghandaan, sapagkat may kislap ng pag-asa sa iyong puso kahit na alam mong katulad mo, marami ring nagpapantasya na makapasok doon. Mula sa masinsinang pagsusuri sa mga detalye mo sa aplikasyon. Hanggang sa pagsasantabi ng pahinga sa bakasyon pagkatapos ng tila pakikibaka sa baitang 11, upang magrerebyu para sa admission test na isa sa mga magdidikta sa iyo kung makakapasok ka. Inaasam mong ang lahat ng pagsisikap mo ay masusuklian ng isang berdeng mensahe—ang "Congratulations".
Marami ring may alam na gusto mo iyon pasukan, at kahit sa mismong aplikasyon pa lang, nadama mo na ang presyur mula sa kanila. Lapis, pambura, o kahit ano pang kailangan sa admission test ang dala mo sa loob ng exam room, magaan lang ang mga ito kung tutuusin. Ngunit ang mabigat na dala mo ay nasa isip mo; ito ang kaisipan na may inaasahan sila mula sa’yo kaya hindi ka maaaring mabigo. Hindi ito nakikita ng tao. Hindi rin naririnig.
Ilang buwan kang naghintay, naghalo-halo ang mga emosyon ngunit nangingibabaw pa rin ang kaba. Noong araw na nagkaroon na ng resulta, dali-dali mong tiningnan ang email mo. Tahimik ang paligid, ngunit sa isipan mo parang sabay-sabay lahat ng ingay. At noong pulang mensaheng "Thank you" ang natanggap mo—parang gumuho ang mundo mo. Paulit-ulit mong pinapresko ang email mo, sapagkat baka may pagkakamali lang. Tinitigan mo nang mabuti ang screen hangggang unti-unti itong lumabo sapagkat bumababa na ang luha mo mula sa’yong mga mata.
Doon, hindi mo iniyakan ang basta kulay lang—ito ang pangarap mo. Matagal mo na alam ang pinagkaiba ng kulay pula sa berde, ngunit parang ngayon lang ito mas naging malinaw sa’yo. Mula sa katiting na pag-asang baka ma-reconsider pa, hanggang sa linyang "baka hindi para sa akin ang UP". Ngunit totoong baka hindi iyon ang para sa iyo. Ang hindi mo pagkapasa ay hindi kabawasan ng iyong halaga. Hindi iyon ang sukatan ng iyong galing.
Hindi mabilis. Hindi rin naging madali. Unti-unti mong tinanggap.
Napagtanto mong hindi matatapos ang buhay mo sa mga mensaheng iyon. May paaralang laging handang pagbuksan ka ng pinto. Oo, hindi iyon ang matagal mong inasam—ngunit iyon ang buong puso kang tinanggap. Hindi iyon ang una mong pinili, ngunit iyon ang pumili sa’yo—at doon mo unti-unting natutuhang piliin din ang sarili mo.
Napatingin ka sa langit, hindi para magalit kung bakit hindi ka pinalad, kundi upang humiling ng gabay sa susunod mong tatahakin na landas. Dahil hindi lahat ng pangarap na hindi natupad ay pagkabigo. Minsan, ito lang ang direksyong hindi para sa atin kahit gaano pa natin kagusto. Mananatiling pangarap iyon, ngunit ikaw, pinili mong umusad para ang iba mong pangarap ay hindi rin manatiling pangarap lang.
Sa wakas, noong napadaan ka sa paaralang minsan mong inakalang makakabisado mo, huminga ka nang malalim at pabulong ka ring sumagot sa email na “Thank you” ng UP: “Sa ibang sansinukob, akin ka. Salamat din, UP”. Hindi malakas, ngunit sapat na para marinig.



