Napagtanto kong tila doble-kara ang salitang sana.
Isipin mo, isa itong munting pantig na may kakayahang magpabalik-tanaw at magpaangat ng paningin—sabay-sabay, sa isang iglap. Kahit gaano kaikli ang pagitan ng oras, tangan nito ang bigat ng mga maling desisyon at ang liwanag ng mga pangarap na hindi pa naaabot. Sa bawat pagbigkas natin ng sana, para tayong humahawak sa dalawang dulo ng panahon: ang dulo ng kahapong pinagsisisihan at ang dulo ng kinabukasang inaasahan.
Sa nakaraan, ang sana ay nagiging salamin ng mga sandaling hindi na maibabalik.
Sana pala hindi ako nagpakabobo’t nagpakatanga.
Sana pala matagal na akong lumisan hangga’t may pagkakataon pa.
Sana pala hindi na ako bumalik kung alam ko rin namang hindi ko gusto ang aking patutunguhan.
Sana pala tinatagan ko ang loob ko’t hindi ako nahiya.
Sana pala hindi ako nagpakain sa galit ko at nagpakumbaba na lang.
Tila ang sana ay parang tinik na paulit-ulit hinahaplos. Alam mo namang masakit, pero hindi mo pa rin maiwasang balikan ang nakaraan dahil doon nakabaon ang aral na iyong natutunan. Nagiging paraan ito para harapin ang sarili: ang mga pagkukulang, takot, o pag-aalangan na humubog sa kung sino tayo ngayon. Sa ganitong paggamit ng salitang sana, hindi lamang ito pahayag ng pagsisisi kundi pamamaraan ng pagharap sa mga sugat na hindi pa ganap na naghihilom. Nanghihinayang. Nagsisisi. Nananatiling nakaukit ang malalim na sugat na nakatatak sa puso mo't isip.
Ngunit may isa pang mukha ang sana—ang mukhang nakatingala, naghihintay, at umaasa.
Sana makapagtapos na ako ng pag-aaral.
Sana umangat na ang estado namin sa buhay.
Sana makaalis na ako sa lugar na paulit-ulit na nagpapaalala sa’kin na hindi ako sapat.
Sana makamit ko ang ninanais kong propesyon.
Sana umayos na ang kalagayan ng aking bansang sinilangan.
Animo'y ang sana ay nagiging tulay. Hindi para takasan ang kasalukuyan, kundi para maalala na may karapatan tayong mangarap, kahit pa kumikirot pa ang pinanggalingan. Ito ang nagtutulak sa atin pasulong, kahit mabagal, kahit masakit, kahit mahirap makita ang dulo. Dito pumapasok ang kakaibang ganda ng salitang sana. Kaya nitong maging panghihinayang at pag-asa, pagbalik at pag-abot, pagkilala sa pagkakamali at paghahanda para sa panibagong hakbang.
Ngunit kung tutuusin, hindi lang ito tungkol sa nakaraan o hinaharap. Ang sana ay nagtataglay din ng katahimikan sa pagitan ng dalawang oras. Isang sandaling nagbubukas sa isip at damdamin para kilalanin ang sarili—ang takot na muling magkamali, ang lakas na patuloy na magpursige, at ang pagnanais na maghilom at umusbong. Sa bawat sana, may bakas ng ating kahinaan at may liwanag ng ating determinasyon.
Marupok itong salita, kagaya mo, oo, pero may tibay sa loob. Sapagkat ang bawat sana ay patunay na hindi pa tayo sumusuko. Na kaya pa rin nating humiling, manalangin, at maniwala. Pero hindi lang ito hiling; isa itong pahiwatig na patuloy tayong lumalaban sa pagitan ng kung ano na ang nangyari at kung ano pa ang mangyayari.
At habang tumitingin tayo sa nakaraan na naghihinayang, may sana na nagbibigay lakas sa kasalukuyan. At habang abot-tanaw ang hinaharap na umaaasam, may sana na nagtutulak sa atin na magpursige at maniwala sa bukas. Ang sana ang nag-uugnay sa dalawang dulo ng ating buhay—isang salitang nagbabalik, nag-aabot, at nananatiling matatag sa kabila ng lahat.
Kaya sana, sa tuwing binibigkas mo ang salitang sana, nawa'y itatak mo sa iyong puso't isipan na ito’y hindi lamang simpleng salita. Isa itong buhay na damdamin—isang panalangin at pahiwatig, isang hangarin at alaala.
At doon, sa pagitan ng kahapon at bukas, nananatiling nakatindig ang salitang doble–kara: sana.



