Limang oras na siyang nakaluhod.
Pudpud na ang kaniyang mga tuhod. Dumudulas na sa kaniyang pagkakahawak ang rosaryong kumukupas na ang kulay dahil sa pawisan niyang mga kamay. Kumakanta siya, nagdarasal, nag-oorasyon sa lengguwaheng Diyos niya lang at siya ang nakaiintindi.
Ito ang panata ni Josephine. Hindi na niya mabilang kung ilang taon na niya itong ginagawa—ang magdasal, lumuhod, at magmakaawa. Kabisado niya ang hulma ng buong Semana Santa. Alam niyang alas tres ng umaga dapat ang gising, bawal ang karne, bawal ang ingay, dapat banayad ang bawat galaw—tahimik. Ngunit hindi iyon ang uri ng katahimikang nanlalamon. Sakto lang. Katahimikang may patlang; may puwang para marinig niya ang ingay na hindi naririnig ng iba, maski ng Diyos.
Hindi niya namalayang sumisilip na pala ang araw. Umaga na. Nagbabakasakali siyang maliwanagan na ito na ang araw na pinapasaring niya sa kaniyang mga dasal. Araw ng Pagkabuhay. Ayon sa Bibliya, ito ang araw ng muling pagkabuhay ni Hesus mula sa tatlong araw na pagkakahimlay. Ani nila, ito rin ang huling araw ng Semana Santa—dahil sa huli, buhay pa rin ang nangingibabaw; dugo pa rin ang maghahari.
Ito ang pinanghahawakan ni Aling Josephine. Sapagkat kagaya ni Hesus, matagal na ring “humimlay” ang anak niya. Panganay—mataas ang buhok, makatao, palakaibigan—at napagbintangan lamang. Kagayang-kagaya ng Poong Nazareno. Hindi nga lang ito ipinako sa krus; isinako naman at ipinaanod sa ilog. Hindi niya alam kung alin ang mas nakahihindik sa dalawa. Ang tiyak niya, pareho silang biktima ng mapang-alipustang pamamahala.
Magdasal na lang daw siya para sa hustisyang inaasam niya, muli, lumuhod, kumanta, magbigkas ng mga orasyong nakikita niya lamang sa midya. Hindi na mabilang ni Josephine kung ilang taon na niya itong sinusubukan, at kung ilang taon na rin siyang nabibigo. Minsan, nararamdaman niyang kinakain na ng konsensya ang kaniyang laman, buto, pati bituka. Nagagalit na kaya ang Diyos sa paulit-ulit niyang daing? Hipokrito na ba siya kung ituring Niya? Na sa bawat salubong sa muling pagkabuhay ng Ama, may sinasalubong din siyang anak sa bawat dasal niya?
Kung gayon, makasalanan na kung makasalanan. Maglabasan na ng sama ng loob. Halungkatin na natin ang pilit ninyong itinatago. Paano ba natin naaatim na maging tahimik at banayad sa loob ng isang linggo, o kahit isang araw, habang pilit nating iwinawaksi, sa loob ng isang taon, ang mga nakasusulasok na katotohanang kabilang tayo sa problema ng lipunan? Paano natin nalulunok na ipagdiwang ang pagkabuhay sa loob ng isang bayang unti-unti nang naaagnas?
Maaaring pagsabayin—oo. Maaari ring ipagsawalang-bahala. Tutal, tila epektibo naman ang ginagawa ni Josephine na pagdarasal.
Buhay si Hesus. Buhay din ang lipunan. Parehong humihinga, parehong nangangailangan ng aruga at pagkilala. Hindi naman natin kailangang lumuhod, kumanta, o gumising ng alas tres. Ang kailangan lang nating gawin ay magpalamon sa katahimikan sa loob ng isang araw—pumikit, magdasal, lunurin ang sarili sa paniniwalang may magliligtas sa atin sa magulong mundo, at parating na siya.
Pagkatapos ng lahat, anong panata ba ang maibibigay natin sa bayan?
Huwag naman sanang puro katahimikan.



