Sa bawat taon ng aking buhay, may isang gabi na wari’y laging nagbabalik—gabi ng lagaslas na tila walang hanggan, ng hanging humuhuni na parang may dumarayang kaluluwa, at ng mga pader na unti-unting tumatangis sa sobrang bigat ng unos. Sa mga sandaling iyon, ang aming munting tahanan ay tila nag mimistulang laruan ng kalikasan. Ang bubong ay tinatangay na wari’y dahong tuyo at ang sahig ay dinadaluyan ng tubig na animo’y ilog na sumilang sa gitna ng aming silid.
Noon pa mang ako’y musmos pa, nasaksihan ko na kung paanong ang isang bahay ay madaling maparam, wari’y kastilyong buhangin na sinasagasaan ng alon. At mula roon, natutuhan kong ang aming pag-iral ay paulit-ulit na isinusulat at binubura ng bagyo—isang siklong walang hanggan. Isang awit na inuulit ng langit sa bawat bagyong baraan.
Ang bawat bagyo’y may sariling mukha, subalit iisa ang dulot. Una, ang katahimikan na parang buntong-hininga ng kalangitan bago ang pagwawala. Kasunod ang pag-ungol ng hangin, humahampas na wari’y bakal na pinapalo sa dingding. Ang ulan, bumubulusok na parang libong basag na salamin na sabay-sabay nagkakalasog sa aming bubungan. Sa mga oras na iyon, ako’y nakatalukbong ng kumot sa isang sulok, nakapikit ang mga mata't nakayakap sa sarili, nagdarasal na magising na lamang sa isang umagang puno ng pag-asa.
Ngunit laging kabaligtaran ang dumarating. Sa bawat pagsikat ng araw, ang aking mga mata’y bumubungad sa mga kalansay ng aming tirahan—dingding na nakayuko, bubong na naglahong parang pinitas ng hangin, mga gamit na inanod ng baha na para bang kinalimutan ng dagat. At gaya ng nakagawian, ang mga kapitbahay ay sabay-sabay na bumubuhat ng kahoy, ang aking ama’y muling humahawak ng martilyo, at ang aking ina nama'y naglilinis ng putik na para bang iyon ang tanging paraan upang itaboy ang alaala ng gabi.
Lumaki akong kabisado ang siklong ito. Para itong sirang plaka na hindi marunong tumigil. Pagkawasak, pagtindig at pagkawasak muli. Sa bawat unos, may mga kamay na muling nagtatayo at may mga labi na muling ngumingiti kahit may luha pa sa gilid ng mga mata. Ngunit sa likod ng lahat ng iyon, ako’y laging nakaririnig ng parehong katahimikan—ang katahimikan ng tanong na walang kasagutan. Hanggang kailan?
Ang aming bahay ay naging sagisag ng aming kapalaran. Para itong kandilang paulit-ulit sinisindihan sa gitna ng hangin, muling namamatay, muling binubuhay, hanggang sa ang ilaw ay tila nagiging alaala na lamang ngunit hindi katiyakan. Sa mga mata ng bata, natutuhan kong ang tinatawag na katatagan ay hindi gantimpala, kundi isang tanikala. Itinatali kami sa siklong hindi namin pinili, isang siklong pinagpapasensyahan dahil wala kaming ibang magawa kundi ito'y tanggapin.
Ngayo’y ako’y lumaki na, subalit dala ko pa rin ang lahat ng gabing iyon. Hindi ko na binibilang ang mga bagyo; ang binibilang ko na lamang ay kung ilang ulit naming itinayo ang aming tahanan mula sa guho. At sa bawat pagtatayo, muling sumisibol ang pag-asa—subalit pag-asa ring batid kong madali ring guguhuin sa susunod na unos.
Ako’y anak ng bagyo, at ang aking alaala ay hinubog ng hangin at ulan. Sa bawat siklong ito ng pagkawasak at pagtindig, natutunan kong ang pagiging matatag ay hindi laging sagot, kundi minsan ay maskara lamang ng kawalan. Sapagkat sa likod ng mga ngiting pilit na isinusulat sa mukha, may mga tinig na matagal nang nananaghoy. Huwag na sanang maulit.
Ngunit sa aming bayan, laging bumabalik ang gabi. At sa bawat pagbabalik, muli kaming natutong bumangon, hindi dahil kaya na namin ang lahat, kundi dahil wala kaming pagpipilian kundi tumindig sa gitna ng unos at humiling na sa susunod na taon, baka sakaling mag-iba ang awit ng kalangitan. Baka sakaling maging payapa na.



