Sa bawat hakbang ng aking mga paa, ang mga parol na kumukutitap ang nagsisilbing ilaw. Mga bituin na tila abot-kamay sa pangarap, mga bahay na puno ng sigla, mga pamilyang may ngiting buo habang sumasalubong sa pintuan. Pero sa akin, ang salubong ni Nanay—ang bahid ng pagod sa kanyang mga kamay—iyon ang aking Pasko.
Tila sa guhit ng kanyang palad naroon ang kwento ng aming Noche Buena: mga oras na nauubos sa trabaho, mga benteng pinilit ipagkasya bilang pambili ng mantika. Sa pag-uwi ko, kahit may ngiti siyang ibinubukas, dama ko ang bigat sa likod ng kanyang mahinang paumanhin: “Pasensya na kung ito lang muna ang handa, anak.”
Sa kabila ng paumanhin, nananatili sa kaniyang mga mata ang ngiti na mabigyan ako ng spaghetti tuwing Pasko. Ramdam ko ang init ng kusina, ang pawis sa noo ni Nanay na pilit niyang pinupunasan, ngunit sa bawat punas, kita ko ang luha na tinatakpan ng bawat ngiti. Nakikita ko rin kung paano niya pinagtatabi ang bawat sangkap, pinagsasama at niluluto ng may pagmamahal. Galak sa pagluluto na munting regalo para sa akin. Kahit alam niyang hindi sapat ang limang daan para sa aming Noche Buena, ramdam ko ang puyat at pagod niya para sa aking Pasko.
Ang bawat tanong kong, “Bakit ka umiiyak, Mama?” ay pinapalitan niya ng ngiti at kasinungalingang pampalubag-loob para maging masaya ang aking Pasko. Sa ganoong paraan ko natutunan: hindi si Nanay ang may pagkukulang, sadyang hindi sapat ang pera namin para makasabay sa mga taong wala sa laylayan.
Sa bawat yakap at haplos niya sa aking ulo, naiintindihan ko ang bigat ng pangarap na hindi maabot. Ang mga sugat sa kanyang mga kamay ay nagiging puhunan ng Pasko, ang mga perang lila ay pinipilit pagtagpiin upang makabili ng karne, at ang hiwa ng hotdog na pinilit panipisin upang maging marami sa sahog ay nagpapakita ng lungkot ng Pasko para kay Nanay.
Sa lamesang pilit pinananatili ang init ng pamilya, naramdaman ko ang lamig ng bawat sementong hindi nasisinagan ng parol. Sa mga kapitbahay, nakikita ko ang hapag nilang puno ng pagkain at nadarama ang saya ng bawat Pasko—pero siguro, ang Pasko para kay Nanay ay nakatali sa kasiyahan ko. Sa pangarap kong makakain ng spaghetti, alam kong naroroon ang kanyang Pasko. Alam kong Pasko kapag may nailutong spaghetti si Nanay, kahit pa ang ibang bagay ay kulang.
Kaya’t kahit may lungkot ang Pasko sa paningin ni Nanay, ramdam ko ang saya at ngiti sa kanyang mukha sa pag-abot sa akin ng spaghetti. Para sa akin, ang spaghetti ang nagbibigay kulay sa aming Pasko. Habang pinapanood ko siyang iniaabot ang una kong pinggan, napagtanto ko na masaya si Nanay na mabigyan ako ng ganitong pasko. Sa bawat kalyo ng kanyang palad, ang aking ngiti ang nagbibigay sigla sa kanyang Pasko. At sa bawat lapat ng tinidor sa aking kamay, alam kong higit pa sa spaghetti ang nais ni Nanay, ngunit sa bawat spaghetti na iniaabot niya, ramdam ko ang pagod, sakripisyo, at pangarap niya. Roon, sa simpleng handa, nakabase ang aming sariling ilaw na kumukutikutitap.



