“Dumilim ang paligid…”
Hindi dumilim… kasi hindi naman bigla at hindi rin kusa — dahan-dahan itong nangyari, hindi ko napansin ngunit tahimik na pala nitong sinasakop ang mundo ko.
Tahimik, sakto, at mabagal… tinatantya at sinusukat ang oras kung kailan ang pinakamagandang oras na tuluyan itong magpapakita sa gitna ng kawalan at katahimikan — kung saan ipapakita na ang natitira lamang ay kadiliman.
Hindi mabilis, hindi agaran, at hindi minadali. Sinakop nito ang mundo ko sa pinakamabagal na paraan… sa pinakamalumanay at mapagmahal na paraan… kung saan ang kadiliman ang nagbibigay ng balikat sa akin sa tuwing ako’y nag-iisa…
At ito na yata ang pinakamalumanay na bagay na naramdaman ko sa buong buhay ko.
Kaya hindi lang basta dumilim ang paligid… dumilim ito… sa pinakatahimik at mabagal na paraan — sa pinakamalumanay at malambing na pakiramdam na hindi ko alam kung yakap o bitaw.
“May tumawag sa pangalan ko…”
Walang tumawag sa pangalan ko… dahil ni-isang kumusta ay hindi ko natanggap sa kahit na sino. Sa halip, ako ang tumawag sa pangalan ko… dahil kapag wala kang marinig mula sa mundo, mapipilitan kang sagutin ang sarili mo.
“Labing isang palapag…”
Hindi ako sa ika-labing isang palapag nakatira, pero naririto ako ngayon para ibsan kahit papaano ang nararamdaman kong gustong mapag-isa.
Ako ang tumawag sa pangalan ko…
“Tinanong kung ok lang ako…”
Sabay haplos ng sariling kamay sa balikat, hindi dahil sa lamig ng ika-labing isang palapag, kundi dahil sa kawalan ng presensiya na kailangan ko ngayon.
“Sabay abot ng baso…”
Walang nag-abot ng baso… kundi ako ang kumuha nito at pinagmasdan ang mga bubog na dumikit sa aking balat na tila isa itong obra maestra na gawa ko mismo — ako ang lumikha kung saan ako rin ang nasaktan at pinirapiraso nito.
Ang ilaw na sumasalamin dito ay ang mas nagpapalapit sa akin na dagdagan ito sa sarili kong braso.
Sa huli, walang nag-abot ng baso kundi ako rin… at doon ko naintindihan — ako lang at ako pa rin.
“May naghihintay…”
Walang naghihintay… ang naghihintay na lamang sa akin ay ang katahimikan na para akong inaakit palapit sa dulo ng ika-labing isang palapag kung saan paulit-ulit akong tinatawag nang hindi nagsasalita.
“At bakit ba 'pag nagsawa na ako…
Biglang ayoko na…”
Ayoko na… pagod na ako…
“At ngayon…
‘Di pa rin alam…”
At sa edad kong ‘to… nakakagulat at nakakahiyang nananatiling hindi ko pa rin alam…
“Kung ba't tayo nandito…”
At kung bakit pa ako nananatiling nandito.
“Puwede bang itigil muna…
Ang pag-ikot ng mundo…”
Nang sa ganoon ay maayos ko muna ang sarili ko at matanggal ang mga bubog nang hindi iniisip ang magiging bukas na kahaharapin ko baon ang mga sugat ng kahapon.
At nang sa ganoon ay mahanap kong muli ang liwanag na matagal ko nang hindi makita na halos nakalimutan ko na ang itsura nang hindi iniisip na sa bawat paglipas ng oras ay mas lalong kumakapal ang kadiliman sa mundo ko.
“Lumiwanag ang buwan…”
Hindi lumiwanag ang buwan…
Dahil kung kailan ang kaisa-isahang dasal ko sa gitna ng kadilimang ito ay ang kahit na ano at kahit isang bagay man lang na magbibigay liwanag sa madilim kong mundo ay hindi nagpakita.
Kung kailan pinakakailangan ko ang buwan ay ito namang hindi siya nagpakita.
Siguro nga ay nandiyan lamang siya at nag-aabang… ngunit hindi ko lang makita dahil sa kakapalan ng kadilimang sumasakop sa mundo ko at hinahayaan kong kunsumuhin ang pagkatao ko.
“San Juan…
‘Di ko na nasasakyan…”
Kung dati rati ay kahit hindi ako masaya ay nagagawa kong ngumiti… ngayon, kahit masaya ako ay hindi ko na magawa pang ngumiti…
“Ang lahat ng bagay ay…
Gumuguhit na lang…
Sa 'king lalamunan…”
Sa gitna ng pag-iyak, ang lahat ng nangyayari ay pinipilit ko na lamang ang lunukin ito ngunit tila kahit ang paglunok ay hindi ko na magawa, hindi dahil sa may nakabara sa lalamunan ko, kundi dahil napakahirap nitong lunukin na para ko na ring sinusubukang lunukin ang mga hinaharap ko ngayon — mahirap.
“Ewan mo at ewan natin…”
Hindi mo alam ang nangyayari sa akin kasi hindi ko na rin alam kung ano ang nangyayari sa akin.
“Sinong may pakana…
At bakit ba…
Tumilapon ang…
Gintong alak diyan sa paligid mo…”
Walang gintong alak sa paligid ko, ngunit merong gintong likido kung saan kapag ininom ko ito ay makakalimutan ko ang lahat at makakamtam ko ang kapayapaang walang hanggan.
“At ngayon…
‘Di pa rin alam…
Kung ba't tayo nandito…
Puwede bang itigil muna…
Ang pag-ikot ng mundo oh…”
Nang sa ganoon ay makapagpahinga ako sa nakakapagod na walang tigil na pag-ikot ng mundo.
“Umiyak ang umaga…”
Hindi umiyak ang umaga — sa halip, mas maliwanag pa ito sa tala ng buwan at sa ningning ng mga bituin — dahil ako ang umiyak noong umaga.
“Anong sinulat ni Enteng at Joey diyan…
Sa pintong salamin…
‘Di ko na mabasa…
Pagkat merong nagbura…”
Walang nagbura. Dahil ako mismo ang gumawa at nagsara ng aking isipan para ito ay hindi na mabasa pa, at kahit hindi ko man intensyon na ito ay kalimutan — kusa na itong sinara ng aking isipan at kinalimutan ang mga alaalang dapat nang ibaon sa likod ng kahapon.
Mga alaalang paulit-ulit guguho kapag hinayaan kong manatili sila sa liwanag. Kaya mas pinili kong ito ay iwanan, itago, at itikom… hanggang sa kusa na rin silang hindi mabasa ng aking isipan.
“Ewan mo at ewan natin…
Sinong nagpakana…
At bakit ba tumilapon ang spoliarium…
Diyan sa paligid mo…”
Hindi tumilapon ang spoliarium dito sa paligid ko — matagal na at unti-unti na itong pumapaloob kapaligiran ko, matagal na itong naroon — nakahimlay, nakabalot, nakalubog.
Hindi ko lang napansin na unti-unti na pala nitong pinupuno ang bawat sulok ng mundo ko. Kaya nabigla na lamang ako noong isang araw ay nakita ko na ang lahat ng ito — nang mahulog ang tingin ko sa paligid ko; doon ko lang nakita ang katotohanan — na ang Spoliarium, hindi siya tumilapon… dahan-dahan siyang kumalat — at ngayon, kitang-kita ko na siya, nakakalat, nakapahid, nakabakat… sa bawat parte ng katahimikan ko.
“At ngayon…
‘Di pa rin alam…
Kung ba't tayo nandito…
Puwede bang itigil muna…
Ang pag-ikot ng mundo…
Puwede bang itigil muna…
Ang pag-ikot ng mundo…
Puwede bang itigil muna…
Ang pag-ikot ng mundo…
Ang pag-ikot ng mundo…”
At sa wakas, hindi ko na kailangan mahulog — kasi kusa nang bumigay ang loob ko, at kusa nang nagdilim, hindi lamang ang mundo ko, kundi pati na rin ang mga mata ko.
Kasi pagod na ako…
Pagod na pagod na ako…



