Sabi nila, ang taong tunay na nagmamahal ay siyang marunong maghintay. Kapag umiibig ka, lumilinaw ang mundo—nakikita ng bawat lente ang mga detalye, bawat lamat, bawat bahid ng pagbabago. Ngunit tila napasobra ang pagtitig ko sa’yo; hindi ko na napansing sa dekadang pagtingin ko sa’yo; unti-unti nang nababasag ang lente ng puso ko. Abala akong bilangin ang bawat masasayang alaala natin, ang bawat pintig ng puso mo tuwing ako’y malapit, pero hindi ko namalayang hindi na pala sumasabay ang tibok ko sa iyo. Sa sobrang paniniwalang ang mas umiibig ang siyang naghihintay, ang mga paa ko na lang pala ang naiwan—nakakulong sa lugar na matagal mo nang iniwan.
Hindi ko alam kung kailan naging tanong ang pagsasabi ko ng “mahal kita.” Dati itong may paninindigan—buo at walang pag-aalinlangan. Ngunit ngayon, sa bawat bigkas ko nito, may kasamang pagdududa. Napapatanong ako: bakit ako ang naiiwan sa puwestong walang katiyakan? Tipong sa bawat subok kong humakbang palapit sa’yo, lalo lamang nagkakalayo ang ating mga landas. Tila ang pag-ibig ko sa’yo ay isang bangin na ako rin ang nahulog—at ang tanging paraan para makalabas ay sunugin ang tulay na minsan kong itinayo.
Pinangarap kong ikasal. Nakita ko ang sarili ko sa dulo ng altar, nakasuot ng bestidang puti, hawak ang mga kamay mong puno ng pangako. Ngunit nagising na lamang ako isang araw na wala na palang altar sa dulo ng aking paningin. Wala nang bulaklak, wala nang musika, wala nang ikaw. Para tayong kandilang unti-unting nauubos ang liwanag—walang pag-uulit, walang pagbabakasakali, basta na lamang naupos.
Saan ba tayo nagkamali? Saang bahagi tayo nagkalimutan? Kailan naghiwalay ang direksiyon ng ating mga paa? At kailan, sa bawat pagbaybay natin ng bukas, lumuwag ang hawak mo sa aking mga kamay? O baka alam ko ang sagot, ngunit hindi ko lamang maamin kung saan tayo natapos. Hindi ko yata kayang tanggapin na natapos na ang dekadang kuwento—na ako na lamang pala ang naghihintay sa isang kuwento na matagal nang naisara.
Siguro tama ang iba—masyadong maliwanag ang pag-ibig para maintindihan. Ang tunay na nakakatakot ay ang magmahal ng dekada sa taong sa huli’y hindi mo na sigurado kung pareho pa kayo ng hinaharap. Na ang bawat pangarap ninyo’y tuluyang maiwan sa nakaraan, at ang kuwento’y makandado kahit hindi naman talaga natapos. At mauuwi na ang bawat salitang “mahal kita” sa isang tanong na pareho nating iniiwasang sagutin: Are you the lover, or the loved one?



