Musmos pa lamang ay batang kalye na ako. Lumaki ako sa kisameng hindi sementado bagkus, bughaw. At ang paborito kong kalaro ay ang langit. Nakatutuwa itong pagmasdan—maaliwalas, payapa, at higit sa lahat, malaya. Wala itong anumang bakod o tarangkahan. Walang limitasyon ang langit.
Madalas akong humiga sa mainit na semento, pinipikit ang isang mata upang mas malinaw kong makita ang paglalakbay ng mga ulap. Nakikipaglaro ako sa kanila—sa pagbuo ng hugis hanggang sa pakikipaghabulan dito. Dahil bukod sa kaya nilang mag-anyong kahit ano, kaya rin nilang pumunta saan man sila dalhin ng hangin kasabay ng mga ibong lumilipad kahit wala silang pasaporte. Bata pa lamang ako, tinitingala ko na ang langit. At sa aking bawat pagtingala, mas lumuluwag ang aking paghinga.
Ngunit sa aking pagtanda, napadalas ang aking pagyuko. Hindi naman mabigat ang ulo ko, sadyang mabigat lamang ang mundo. Bihira na akong tumingin kay langit. Kinamumuhian ko ito. O marahil, kinaiinggitan.
Kinaiinggitan ko kung paanong kaya niyang itago ang araw sa mga oras na nahihiya ito at ibalik ito kung kailan niya gustuhin. Kung paanong napapalitan siya ng buwan kapag napapagod na ang liwanag. Kung paanong kayang ilabas ng mga ulap ang kanyang pagtangis kapag hindi na nila kayang buhatin ang bigat—at walang magtataka kung bakit umuulan.
Hindi ko na kayang pagmasdan kung paanong ang ulap ay patuloy sa paglalakbay—wala naman siyang direksyon ngunit hindi rin siya naliligaw. Habang ako ay narito, nakakapit sa lupa, parang punong malalim ang ugat. Kailangan kong mananatili’t magbigay-silong para sa mga kagaya kong nagnanais maglakbay.
May mga bagay na hindi nakikita sa simpleng pagtingala—mga pangarap na hindi nasusukat sa abot ng mata.
May mga gabi na iniisip kong marahil hindi tayo ipinanganak para abutin ito. Marahil, ipinanganak tayo para maintindihan ang layo nito. Upang tanggapin na ang bawat bagay ay may hangganan. Marahil isinilang tayo upang maging puno, matatag, ngunit nakatanim sa lupang responsibilidad at pinapalaki ng pag-aalinlangan.
Hanggang doon na lamang ba tayo—humanga, mangarap, at manatiling nakatapak sa lupa na para bang kailangan natin pagtiisan ang bako-bakong mundong inilaan para sa atin?
Ngunit kapag isinasara ko ang aking mga mata, bumabalik ang batang minsang humiga sa damuhan at naniniwala na kayang magbago ng ulap, na kaya kong maging ulap. Bumabalik ang batang walang takot sa langit, walang hiya sa pangarap.
Kung hindi man ako maging ulap, matututo akong umakyat. Hindi man ako tangayin ng hangin, hahanapin ko ang sarili kong paraan upang umakyat. Kaya’t hindi ako titigil sa kung ano lamang ang tanaw. Lalampasan ko ito—dahil ang tunay na simula ay naroon, sa mga bagay na hindi pa nakikita, ngunit pinipiling abutin.
Hindi tayo isinilang upang sambahin ang kalawakan bagkus, isinilang tayo upang hanapin ang kalayaang minsan na nating nasilayan—noong hindi pa tayo napapagod sa mundong ating tinatapakan at hindi pa tayo takot sa ating sariling anino. Isinilang tayo upang alalahanin ang langit at maglakas-loob na sundan ito.
Dahil maaaring ang langit ay hindi rurok na kailangang marating. Maaaring ito ay patunay na minsan, tayo rin ay naging malaya.



