Sa bawat pagtunog ng kampana at pagdampi ng hangin ng Semana Santa, may kasalanan pa ring ayaw magpatangay sa agos ng tadhana. Isang kasalanan na ayaw mabura sa aking palad, ayaw matanggal sa aking balat, at hindi mawala sa aking isipan—kasalanang tila ba ay nakatatak na, naka-ukit, nakahulma, at nakabaon na sa kaibuturan ng aking pagkatao.
Leviticus 19:28
“Do not cut your bodies for the dead or put tattoo marks on yourselves.”
Siguro nga’y kasalanan ang iguhit ang sakit sa balat—ang gawing tila tinta ang dalamhati, at ang laman ay maging pahina ng mga bagay na hindi ko masambit. Ngunit ano ang magagawa ko sa katawang matagal nang naghahanap ng katahimikan? Sa pusong hindi marunong sumigaw, kaya’t sa balat ibinubulong ang lahat—sinusulat sa palad na para bang mababago nito ang tadhana kung ito ma'y nakaguhit na sa balat.
Ngunit sa gitna ng katahimikan ng gabi, sa bawat pagaspas ng hangin na tila ba may dalang panalangin at kapayapaan sa aking isipan, napapatanong ako—hanggang kailan ko ipagkakait sa sarili ko ang kapatawaran? Hanggang kailan ako magtatago sa likod ng sugat na ako rin naman ang may gawa?
Hindi ko hinangad na ang sakit ay manahan sa akin. Hindi ko piniling maging tahanan ng mga kirot na hindi naman akin mag-isa. Ngunit sa bawat pagkakataong pinili kong manahimik, sa bawat luhang pinigilan kong bumagsak, unti-unti kong hinubog ang sarili kong bilangguan—isang kulungang ako rin ang may likha, ako rin ang nagbantay.
At sa pagdating ng mga araw na banal, sa gitna ng mga paa na marahang sumusunod sa prusisyon, nakita ko ang sarili ko—nakaluhod, ngunit hindi pa rin nagpapakumbaba. Nakatitig sa krus, ngunit takot humarap sa katotohanan. Sapagkat ang tunay kong krus ay hindi kahoy, kundi ang bigat ng kasalanang ayaw kong pangalanan.
Sa gitna ng mga paa na marahang sumusunod habang dahan-dahang umuusad ang mga taong may pasan-pasang krus, napatitig ako sa bawat hakbang nila. Naalala ko si Hesus—hindi lamang sa Kaniyang paghihirap, kundi sa Kaniyang pagpapatawad. Kung paanong sa kabila ng sakit, sa kabila ng bigat, pinili pa rin Niyang magpatuloy. Hindi upang patunayan ang Kaniyang lakas, kundi upang i-alay ang Kaniyang sarili para sa iba.
At doon ko napagtanto—ang sugat na pilit kong itinatago ay hindi kailanman gagaling kung patuloy ko itong tatakpan ng hiya at galit. Ang kapatawaran na hinihingi ko sa mundo ay siya ring kapatawaran na ipinagkakait ko sa sarili ko.
Marahil, ang pinakamasakit kong kasalanan ay hindi ang mga sugat na iniwan ko sa aking balat, kundi ang paulit-ulit kong pagtanggi na yakapin ang sarili kong pagkatao. Ang hindi ko pagpapatawad sa sarili kong pagkukulang. Ang paniniwalang ako’y mananatiling nakatali sa aking mga pagkakamali.
Sa bawat pagpatak ng kandila, sa bawat pagluha na hindi ko na kayang pigilan, unti-unti kong binitawan ang bigat na matagal ko nang pasan. Hindi madali. Hindi biglaan. Ngunit sa unang pagkakataon, pinili kong huwag saktan ang sarili ko bilang kapalit ng katahimikan.
At sa unang pagkakataon, hindi ko hinanap ang sakit bilang pahinga.
Pinili kong huminto.
Pinili kong huminga.
Pinili kong mabuhay.
At sa gitna ng aking pagkabasag—pinili kong magsimulang muli.



