May mga araw talagang tahimik kahit puno na ang paligid at maingay ang mundo. Hindi dahil walang nangyayari o walang nagsasalita, kundi dahil may mga pusong pilit nagtitimpla ng lakas at nagpapakita ng katatagan matapos masaktan — mga pusong naghintay, nagsumikap, at nagdasal, pero hindi natupad ang inaasam na pangalan sa listahan, pagkakakilanlan ng bayan, medalya sa dibdib, o sertipikong puwedeng i-uwi — mga pusong may kinikimkim na “sana,” may tinatagong “sayang,” at may hindi nasabing “ako naman.”
Kundi dahil may mga pusong hindi sigurado kung paano haharap sa sariling tanong: “Sapat ba ako?” Sa likod ng mga pilit na ngiti at salitang “ayos lang,” may mga pangarap na hindi naabot, pagkakataong hindi dumating, at mga pangalang hindi natawag. May mga kuwentong natengga bago pa man makapagsimula, at may mga pusong patuloy na nagtatagpi ng lakas habang nagtataka kung saan sila nagkulang — o kung bakit parang hindi sila nakita.
At ngayong kasagsagan ng DSPC, marami sa atin ang napapangiti nang pilit habang tinatago ang bigat ng “Sana ako rin.” Marami ring hindi man lang nabigyan ng pagkakataong sumubok, kahit ramdam nilang may tinig silang dapat marinig at istoryang dapat ikwento sa masa.
Sa mga ganitong katahimikan ng mundo ako paulit-ulit na pinaaalalahanan ng mundo na hindi ako naging bahagi ng pahayagan sa aming paaralan—na hindi ko ito nagawang parangalan at hindi ko ito naipaglaban sa sinuman. Hindi ko nailabas ang tunay kong galing na matagal ko nang kinikimkim para marinig ng mas marami ngunit nanatiling nakatago at hindi ako nabigyan ng pagkakataong masaksihan nila ang taglay kong galing na alam kong kaya kong ibahagi.
Ngunit sa gitna ng katahimikang iyon, may paalala na dahan-dahang humahaplos at ang katotohanang umuusbong na matagal nang totoo na hindi tinatanggap ng kahit na sinong tao:
Hindi kailanman nasusukat ang galing ng isang manunulat, mamamahayag, o mismo ng tao sa medalya, sertipiko, o anumang titulong kumikislap, at pagkakakilanlan ng masa.
Ang mga iyon ay simbolo lamang ng isang araw, isang pagkakataon, o isang sandaling pinalad ang iba. Hindi nito kayang sukatin ang buwan, taon, o buhay ng pagod, pag-asa, at pagbangon na mayroon ka. Hindi nito kayang hawakan ang lahat ng gabing nagpuyat ka, ang dami ng beses na paulit-ulit mong inayos ang sariling boses, o ang tapang mong harapin ang pagkakamali at bumalik pa rin.
Dahil ang tunay na galing ay naroon — sa mga gabing pinili mong magsulat kahit pagod ka. Sa mga umagang bumabangon ka ulit kahit kahapon ay masakit. Sa mga kwentong isinuko mo sa papel kahit ikaw mismo ay umiiyak habang nagsusulat. Sa tapang mong manatiling totoo sa sarili habang kinukwento ang mundong minsan hindi naging mabait sa’yo. Sa boses mong patuloy na humahanap ng paraan kahit walang mikropono, at kahit walang entablado.
May mga taong sumubok ngunit hindi nabigyan ng inaasahang puwesto, at may mga taong hindi man lang binigyan ng pintuang papasukan. Parehong masakit, parehong mabigat, parehong tahimik na sugat. Pero hindi dahil hindi sila magaling — kundi dahil minsan, ang mundo ay may sariling oras na hindi tugma sa tibok ng puso natin. Sa ibang pagkakataon, pinipili nating manatili kung saan tayo naging tahanan, kahit alam nating may ibang mundong naghihintay. Sa iba namang pagkakataon, mahal natin ang isang bagay, pero hindi tayo nabigyan ng pagkakataong ipakita kung gaano.
Para sa mga sumali pero hindi nakuha ang gusto — hindi ka kulang, hindi ka talo.
Ang medalya ay kayang sukatin ang galing mo sa isang araw, pero hindi nito kayang sukatin ang lahat ng araw na ginugol mo para maging ikaw. Hindi nito kayang hawakan ang mga ideyang binuo mo, ang tapang mong magpakatotoo, ang habol-hiningang pagpipilit bumalik sa mesa ng pagsusulat, at ang mga storyang gusto mong ikwento.
At para sa mga hindi man lang nakapagbihis ng press ID, hindi nakaupo sa training room, hindi natawag kahit minsan — hindi ibig sabihin na hindi ka magaling.
Kung hindi ka nakuha, kung hindi ka natawag, kung hindi ka nagkaroon ng pagkakataon — hindi dito nagtatapos ang kuwento. At kung nakuha mo man ang saglit na sandaling inaasam ng maraming puso, masaya kami para sa’yo. Pero kung hindi, hindi ibig sabihin na mas mababa ka. Ibig sabihin lang na iba ang landas mo, iba ang oras mo, at iba ang paraan ng pagningning mo.
Minsan, masalimuot lang ang mga landas. Minsan, kailangan mong pumili — manatili sa pamilyar na tahanan o lumipat sa mundo kung saan ka sana sisigaw ng iyong pangalan. At minsan, kahit gusto mo — hindi kaya ng puso mo, hindi kaya ng sitwasyon, hindi kaya ng pagkakataon.
Pero ang hindi kayang pigilan ng kahit sinong tao ay ang paglitaw ng talagang magaling — dahil ang galing na tunay ay hindi mahuhuli, hindi matatakpan, at hindi mawawala. Lumilitaw ito sa paraan ng pagsusulat, pagsasalita, at pagpapahayag mo sa klase, sa paraan mong kumapit sa pangarap mo kahit walang kasiguraduhan, at sa paraan mong bumabangon kahit walang sertipiko na nagsasabing tama ka at sa medalyang nakasabit sa leeg mo.
Ang galing ay hindi kailangan ng permiso para umunlad — hindi ito kailangan ng sertipiko para maging totoo.
At kung narito ka ngayon, nagtataka kung bakit parang hindi sapat ang lahat ng ginawa mo, sana tandaan mo: ang galing na totoo ay hindi naghihintay ng palakpak para mabuhay. Ito ay nasa paraan ng pagngiti mo sa sarili mong pagkakamali, nasa maliliit na tagumpay na hindi man nakikita ng iba ay alam mong pinagpaguran mo. Nasa paraan ng paghawak mo sa panulat, mikropono, kamera, boses, o pangarap — kahit may kirot, kahit may alinlangan.
Kaya sa lahat ng pusong ngayon ay mabigat — yakap, pahinga, huminga.
Dahil ikaw, oo ikaw — ay hindi nasusukat sa medalya, sertipiko, o pagkakakilanlan. Nasusukat ka sa tibok ng puso mong hindi sumusuko, sa kwento mong patuloy nabubuhay, at sa galing mong hindi kailanman mawawala.
At sa tamang panahon, sa tamang pagkakataon — maririnig ka rin, makikita ka rin, mapapansin ka rin. At darating din ang araw na iyon. Hindi dahil pinilit mo, kundi dahil ikaw ay ikaw — at ang tunay na galing ay palaging hahanap ng sariling paraan para makita.
Hindi dahil may hawak kang medalya — kundi dahil ikaw ay ikaw.



