unity
/yu·ni·ti/
ang estado ng pagiging isa; pagkakaisa ng isip, layunin, at pagkilos
isang pagsasanib ng magkakaibang tinig upang makabuo ng iisang himig
isang salitang inililimbag nang malaki sa pangarap ng bayan, ngunit sa pinakailalim ay may paalalang halos hindi mabasa: “may hangganan.”
Sa simula, ang “unity” ay parang bagong imprentang polyeto: makintab ang papel, pantay ang pagkakatupi, at malinaw ang tinta ng pangako. Dalawang lider ang magkatabing lumagda sa iisang salita, tila dalawang kamay na sabay humawak sa timon ng iisang sasakyang tinawag na bayan. Nagtagpo ang kanilang tinig sa iisang himig na wari’y walang mali at walang pahinga, at ang mga tao’y naniwalang ang awit ng pagkakaisa’y hindi kailanman magwawakas, hindi kailanman mawawala.
Ngunit ang papel, gaano man kakapal, ay marunong ding mapunit kapag hinila sa magkabilang dulo—kapag ang dalawang kamay ay sabay humatak, sabay nagpilit, sabay nagtalo sa iisang titulo. Habang lumalalim ang anino ng kapangyarihan, humahaba ang gabi sa likod ng entablado, at unti-unting kumukupas ang tinta ng pangako, parang pangarap na tinangay ng nagbabagong estado. Ang dating buo na pahina’y nagkaroon ng guhit sa gitna—manipis sa una, halos di makita, isang lamat na wari’y lihim lamang, isang bitak na ayaw pang aminin ng dalawa. Ngunit sa bawat talumpating may palakpak at bawat ngiting pilit na pinipinta, ang guhit ay lumalapad, ang punit ay lumalakas, hanggang sa papel ay hindi na maikubli ang marka.
Ang pagkakaisa’y nagmistulang produktong may takdang araw ng pagkasira: makintab sa labas, mabango sa paningin ng masa. Ngunit sa loob, may amag na tahimik na lumalago sa dilim ng ambisyon at gana, hanggang sa ang dating sariwang pangako’y tuluyang mabulok at ang “unity” ay naging alaala na lamang ng isang pahinang hindi na mabuo pa.
Hanggang sa dumating ang sandaling hindi na maitago ang lamat. Ang iisang himig ay naging dalawang magkasalungat na nota—hindi na harmoniya kundi banggaan ng tunog, hindi na awit kundi alingawngaw ng sigalot. Ang papel ay tuluyang napunit, at ang bawat piraso’y inangkin ng magkabilang panig, waring tropeong hinatak mula sa gitna. Naiwan ang bayan na tangan ang manipis na hibla ng pangakong hindi na maibabalik sa dati—isang pirasong kulang, isang dokumentong hindi na buo, isang kasunduang wala nang bisa. At sa pinakailalim, sa letrang halos hindi mabasa, ay tuluyan nang luminaw: may hangganan.
Doon malinaw na ang “unity” ay hindi pala pundasyon kundi disenyo lamang sa entablado, itinayo upang magmukhang matatag ang gusali ng kapangyarihan. Ginamit ito bilang tulay, ngunit hindi kailanman plinanong panatilihin; bilang pandikit, ngunit hindi sinigurong tatagal sa init ng ambisyon. Kapag natamo na ang layunin, ang salitang minsang buo ay kusa nang hinihiwalay, parang kontratang napaso na ang bisa.
Sa huli, ang pagkakaisa ay hindi namatay nang biglaan. Umiiral ang pagkalanta at pag-agnas, parang produktong hinayaang lampasan ang bisa habang abala ang lahat sa makinang na balot. At ang babalang matagal nang nakasulat sa pinakailalim, sa letrang halos hindi mabasa, ay tuluyan nang luminaw sa mata ng bayan: may hangganan. Ngunit marahil ang mas mabigat na tanong ay hindi kung bakit ito nagwakas—kundi kung kailan pa ba ito tunay na nabuo. At doon, sa harap ng bawat mata at sa ilalim ng bawat pangakong naglaho, malinaw ang katotohanan: ang “unity,” ang salitang napunit sa dalawa, ay hindi pala ganap, kundi isang pangarap na minsang buo, ngayon ay hibla na lamang ng alaala.



