UP, parehas naman tayo ng pangarap, iisa lang naman ang gusto nating mangyari—ang humubog ng isang kritikal at matalinong indibidwal. Papasukin mo naman ako, oh.
Mainit ang araw, masakit sa balat, mahapdi sa mata kapag sinasalubong ang haring nagmamarunong sa taas kasama ng mga ulap. Ngunit, sa kabila nito, patuloy pa ring nakabukas ang braso ng Oblasyon. Lakas-loob na hinahamon ang init ng panahon. Ang tapang. Parang may gustong patunayan.
Parang ako.
Parehas kaming nakatayo sa loob ng paaralang banyaga sa aming dalawa. Banyaga sa kaniya dahil kailanman ay hindi niya ito nalibot, hindi nakita ang kabuuang hulma ng bawat gusali, hindi naamoy ang pinakadulong bahagi. Nariyan lang siya, nakatayo. Banyaga rin naman ito sa akin, hindi ko nga alam kung kailan ko ito makikilala o kung makikilala ba ako ng nasabing paaralan.
Basta, parehas kami ni Oblasyon — may piliting pinapatunayan.
"Sa tingin mo makakapasok ka dito?" Hindi ko namalayan, ilang minuto na pala akong nakadungaw sa kaniya. Hindi ko rin alam na nagsasalita pala ang batong ito. "Oo, nagsasalita ako. At saka, huwag mo akong pangunahan, wala akong pinapatunayan dito. Nakatayo lang ako kasi iyon ang kailangan kong gampanan. 'Wag kang echosera, hindi ako diskontento." Sunod-sunod ang litanya niya, walang binigay na puwang para maipagtanggol ko man lang ang sarili.
"Sorry."
Patlang. Katahimikan. Init. Hangin.
"Tinatry ko lang namang maging poetic, para at least diba, baka mapansin ako ni UP."
"Hindi ganoon ang patakaran dito. Hindi kulay ng salita ang batayan, kundi ang tapang ng bigkas mo."
"Akala ko UPG mo yung batayan. Nagbago na pala?"
"Sa tingin mo talaga, ang utak mo lang ang hinihingi ng bayang 'to? Ng paaralan? Ng lipunan?" Seryoso niyang sermon.
Napalunok ako ng laway.
"Hindi."
"Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung ano yung kailangan kong ibigay para makapasok, o kung ano ang hinihingi niyo sa'kin. Ang alam ko lang, kailangan kong makapasok."
"UP, lamunin mo ako," pabulong kong saad. Hindi ito para kay Oblasyon, o para sa sarili ko, o para sa unibersidad. Hindi ko alam kung para saan. Siguro ang hangin na ang bahala kung saan niya dadalhin ang pasaring ko.
"Nakakatawa kayo. Hindi nanlalamon ang UP. Ano ba sa tingin mo ang paaralang 'to — yung isdang lumamon kay Jonas? Whale? Hahaha." Sa totoo lang, hindi ako natatawa.
"Pero seryoso, hindi metaporikal na retorika ang hinihingi upang makapasok sa unibersidad na itinaguyod ng ilang libong Pilipino. Hindi poetry ang magpapasa sa'yo. Hindi rin pulang salawal o iyang piso sa loob ng sapatos mo. Tapang at pag-unawa. Mayroon ka ba noon?" Marahan niyang tanong. Nakabukas pa rin ang braso, hindi kailanman tumingin sa akin.
Napaisip ako. Hindi raw poetry, pero ang lalim ng mga salita niya. Ano ba 'to, philosophy class ni Oblasyon 101?
"Meron." Ang totoo, hindi ko alam.
"Dahil hindi lang naman kalidad na mga mag-aaral ang hinuhubog sa loob ng mga gusaling ito. Mga pag-asa 'yan ng bayan. Matapang na sumusupil sa sistemang mapang-abuso, sistemang mayroong piliting pinoprotektahan. Ang mga isko at iskang iyan ay hinahabi hindi lang ng mga propesor ng UP, kundi ng reyalidad. Mga kabataang mayroong pag-unawa sa lipunang hindi nakaiintindi," paliwanag niya.
Hindi ako makatingin. Hindi ko magawang sumagot. Iba ang lalim ng pagkaintindi niya sa babaw ng kagustuhan kong makapasa.
"Matututuhan ko namang mahalin ang bansa, kung 'yun talaga ang requirement mo. Kaya ko 'yon. Pag nagtapos ako rito, pangako, pagsisilbihan ko ang mga Pilipino." Gusto kong ipagtanggol ang sarili ko. Gusto kong patunayan ang lugar ko sa kinatatayuan niya.
"Iho, alam ko. Hindi naman sa sinasabi kong wala kang patriotismo sa katawan. Ang sinasabi ko lang — hanggang saan ka kayang dalhin niyan? Kasi sa ayaw natin at sa hindi, iyan ang hihingin sa'yo ng libreng paaralang ito. Ano ba ang kaya mong ibalik sa taumbayan bukod sa diploma?"
Hindi ko alam kung ano ang mas mahapdi — ang init ba ng araw o ang tabas ng dila ng batong ito.
"Huwag kang mag-alala. Kung makapasa ka rito, mumulat ka ng mismong paaralan. Huhubugin ka nito. Papaiyakin. Kung hindi naman pinalad, sana mahanap mo pa rin ang puwang mo sa lipunan. Magawa mo pa ring pagsilbihan ang mga taong hindi marunong magpasalamat."
Natawa kaming pareho.
Salamat, Oblasyon. Hindi ko ito sinabi sa kaniya. Binulong ko na lang sa kung saan.
Sa kabila ng init at bigat na nararamdaman ko, pilit akong naglakad paalis sa lugar na kung saan matatapang lang ang pwedeng magtagal. Matapang din naman ako. Minsan.
Ang dasal ko na lang ay sana, UP, lamunin mo ako nang buo. Walang tapon. Para mas maintindihan ko ang hinihingi mong pag-unawa. Para mausisa ko ang bigkas ng batong nagsasalita.



