Bukas, dalawampung taon mula ngayon, ang bansang ito, ang kultura, ang mga tao, ang politika, at lahat ng maaaring iugnay dito, ay magiging isang buod na lamang. Isang talata. Bahagi ng tekstong nakasiksik sa makapal at inaalikabok na libro.
Minsan-minsan itong babasahin, hihimayin, iiyakan, pupurihin, kukutyain ng mga eksperto. Pagkatapos, malilimutan. Hanggang sa pira-piraso na lamang ang matitira sa usapan tungkol dito—hindi buo, hindi kumpleto.
Wala na ang dangal na minsang bitbit ng ilang politiko.
Hindi na “Tatay” ang tawag kay Digong. Maaalala na lamang siya bilang pangulo ng bansang minsang yumakap sa kaniya bago siya tuluyang itakwil, ipakulong, at pabayaan.
Si Marcos, diktador ang bansag, kagaya ng kaniyang ama. Gahaman sa posisyon, kapangyarihan, at pangalan.
Si Leni, si Miriam Defensor, si Hontiveros, si Corazon Aquino, unti-unti ring buburahin ng macho-pyudal na sistema ang kanilang mga ambag sa lipunan, kagaya ng ginawa natin kina Tandang Sora, Gabriela Silang, Nazaria Lagos, Nieves Fernandez, Marina Dizon, at marami pang iba.
Ilan ba sa kanila ang tunay mong kilala?
Dalawa? Isa?
O baka nalilito ka pa kung sino-sino sila.
Kapag tinanong ang apo ng apo ng apo mo kung ano ang naiambag ng panahon natin sa pag-unlad ng bansa, may maisasagot kaya siya?
Siguro, meron.
Mga pelikula ni Vice Ganda. Mga lumang eksena ng KathNiel. Mga kantang ilang beses nating inulit hanggang mawalan ng saysay.
Pero higit sa sining at kultura, ano pa ba ang dapat na pinag-uusapan sa isang talata ng ating kasaysayan?
Kapag naaagnas ka na, kinakain ng lupa at uod, kapag wala nang panatang makapagliligtas sa iyo o sa atin, ano pa ang matitira bukod sa ideolohiyang buong puso mong pinanghawakan?
Ang politikong buong buhay mong sinamba?
Ang mga baluktot at elitistang retorikang buong tapang mong ipinagtanggol sa midya?
Iyon lang ba ang kaya nating ipamana?
Bukas, kung may bukas man, sana maalala nilang ipinaglaban din natin ang bansang ito. Naging matapang din tayo. Naging Rizal, Bonifacio, Silang, at Quezon din tayo minsan—iba nga lamang ang hulma.
Wala man tayong cedulang pinunit o aklat na inilimbag, lumaban pa rin tayo sa sarili nating paraan.
Sapagkat iba-iba ang anyo ng pakikibaka.
May mga tahimik. May mga sumisigaw sa lansangan. May mga nagsusulat, kumakanta, umaarte, at tumutula.
Masining ang paglaban sa politikal na pang-aalipusta.
At sa kabila ng magkakaibang pamamaraan, iisa lamang ang nais nating sabihin:
Lumaban kami para sa bukas. At sa bukas, may pag-asa.
Ngunit hindi sapat na hanggang pagbigkas lamang ang pag-aalsa. Kailangang marinig ito ng pamahalaan, ng bayan, ng kapwa, ng sarili, at ng sinumang magbabasa nito sa hinaharap.
Bukas, dalawampung taon mula ngayon, marahil mababasa nila tayo mula sa isang lumang tabloid, isinulat ng isang batang nagmamarunong tungkol sa tunay na kasaysayan ng bansa. Isang piyesang pinamagatang: Wala nang pag-asa ang Pilipinas, olats na.



