Hinahabol ako ng buwan. Sa bawat takbo ko, parang palaki nang palaki ang kabilugan nito—tila ba lalamunin ako ng nakakabulag nitong liwanag. Hindi pa puwede. Ayaw ko pa. May mga lugar pa akong gustong mahintuan. Ngunit paanong hihinto ang taong nasanay nang ilagan ang takbo ng oras? Paanong maiibsan ang paghangos ng taong ni hindi marunong tumigil at huminga nang malalim?
“Alo,” bulong ko sa sarili kong palayaw habang hinihingal, marahang tinatapik ang sariling balikat. Hindi naman ako tumatakbo. Sadyang nakahihingal lang ang takbo ng buhay.
Mariin ang pagkapikit ng aking mga mata—isang tahimik na senyales ng pakikipaglaban ko sa karuwagang humihila sa aking katinuan. Halos mawalan ako ng ulirat sa bilis ng aking paghinga, tila galing sa pakikipag-unahan sa dulo ng kapaguran. Parang lahat na lang ay duwelo—isang paligsahang walang nakaaalam kung kailan matatapos at kung ano ang premyo. O kung may premyo nga ba.
Sapat ba ang ilang ulit kong pagkaligaw para mapasakamay ko ang karangalang walang mukha? Tama bang igugol at ipukol ko ang natitira kong lakas para sa katapusang hindi ko naman nakikita? Siguro. Ano bang alam ko sa buhay? Mag-isa ko lang namang sinamahan ang sarili ko sa pagdinig ng sariling iyak, sa paglunok ng sariling sakit, at sa paggamot ng sariling sugat.
Sino nga ba ang aalo sa isang ulila kundi ang sarili niya?
Balintuna nga siguro kung iisipin na ang pinaghanguan ng aking pangalan—Magnolia—ay bulaklak ng pagkasugid at kagandahan. Masugid naman ako sa buhay. Sinusubukan ko ring pagandahin ang tingin ko sa mundo, kahit alam kong marumi ito. Pero bakit ganoon? Ang inaakala kong pagsibol at pamumukadkad ay nauwi sa pagkalanta ng aking mga talulot.
Hindi ako nahihirapan sa mga aralin. Naiintindihan ko sila. Nakakasabay ako. Minsan, nauuna pa nga. Pero nahihirapan akong pagsabayin kung paano ako mabubuhay sa araw-araw at kung paano ko bubuhayin ang mga pangarap ko. Ang hindi nila nakikita ay ang laban bago pa man ako makarating sa silid-aralan.
Ang laban para may pamasahe.
Ang laban para may baon.
Ang laban para hindi mahimatay sa gutom habang nag-eexam.
Ang hirap mangarap nang walang magulang.
Walang gumigising sa akin sa umaga. Walang nagtitimpla ng gatas o kape habang nagrereview ako. Walang magsasabing, “Kaya mo ’yan, anak,” bago ako pumasok sa eskuwela. At sa tuwing may recognition day, kahit matawag ang pangalan ko, walang palakpak na para sa akin lang. Walang yakap. Walang luha ng pagmamalaki. Ang meron lang ay ako—nakangiti sa entablado, pero pag-uwi, tahimik ang kwartong sasalubong sa akin.
Hindi ako bumabagsak dahil mahina ako.
Nadadapa ako dahil mag-isa lang ako.
Sa group projects, kailangan kong magpaalam agad dahil may trabaho pa ako. Sa mga ambagan, binibilang ko muna kung ilang araw pa bago ang sahod. Sa mga field trip, ngumingiti ako at sinasabing “Sa susunod na lang,” kahit alam kong walang susunod.
Minsan naiinggit ako sa mga kaklase kong nagrereklamo sa higpit ng mga magulang nila. Sana may naghihigpit sa ‘kin. Sana may nag-aalala kapag gabi na at wala pa ako sa bahay. Kasi ako, kahit hindi umuwi, parang walang mapapansin.
Pagod na pagod na akong maging magulang ng sarili ko.
Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin akong tumatakbo. Hindi dahil matapang ako, kundi dahil wala akong pagpipilian. Walang sasalo kapag bumigay ako. Walang magbabayad ng matrikula ko. Walang magtatanggol sa pangarap ko kundi ako.
Kung hinahabol man ako ng buwan, hindi na ako tatakbo para takasan ito. Tatakbo ako para habulin ang sarili kong liwanag. Hindi ako ginawa para maging kawawa. Hindi ako nabuhay para lang maawa ang mundo sa akin.
Ulila ako, oo.
Pero hindi ako walang halaga.
At kung darating ang araw na mapagod ang mga paa ko, uupo ako sandali. Hihinga. Iiyak kung kailangan. Pero babangon pa rin. Dahil ang pagkawala nina nanay at tatay ay hindi katapusan ng kuwento ko.
Hindi ako basta nawala sa hangin.
Ako si Magnolia.
At kahit ilang ulit akong malanta, kahit ilang ulit akong yurakan ng hangin at ulan, babalik at babalik ako sa pagsibol.



