🛠️ Subscriptions are still under development. Check back soon!
NOW READING:Tuwing Agosto lang ba minamahal si Juan?
— Editorial
Tuwing Agosto lang ba minamahal si Juan?
Kung hanggang Agosto lang ang ating pagmamahal sa sariling wika, baka sa kasunod na henerasyon, wala nang maniwalang may sarili pa tayong tinig.
Baka bukas makalawa, tayo na rin ang sariling estranghero sa bayan na matagal ipinaglaban — na dumanak muna ng dugo para makalaya at maangkin ang sariling atin.
At sa araw na iyon, wala nang silbi ang barong, ang saya, at ang tula. Dahil mismong si Juan, tuluyan nang pipi.
Written by The Frontman Staff
August 6, 2025
3 min read
LISTEN TO ARTICLESynthesized Narration • 0:00 / 0:00
Tuwing Agosto, pinipinturahan si Juan ng makukulay na banderitas. Pinasasayaw siya ng Pandanggo, ipinagsusuot ng katutubong tela, pinatitindig sa entablado upang bigkasin ang tulang hindi niya lubos na nauunawaan.
Pinapalakpakan siya, binibigyan ng mataas na grado, at saka muling ibinabalik sa silid kung saan ingles ang dapat pairalin upang hindi siya matawag na mangmang.
Ito ang nangyayari tuwing Buwan ng Wika. Isang buong buwang palabas. Isang pista ng kasuotan, patimpalak, at mga islogan na kasing lalim ng “Igalang ang Wika ng Bayan” ngunit kasing babaw ng pagsasabuhay nito. At sa bawat dulo ng pagtatanghal, tinatanggal ang barong, binabaklas ang dekorasyon, at isinasabit muli sa likod ng pintuan ang pagmamahal sa sariling wika—hanggang sa susunod na Agosto na naman.
Nakagigimbal isipin na habang panay ang selebrasyon sa loob ng mga paaralan, unti-unti nang nawawala ang wika sa sarili nitong tahanan. Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino, nasa 37 wika sa Pilipinas ang “critically endangered,” hindi na naipapasa sa kabataan. Kahulugan? Habang abala si Juan sa pagkakabisa ng tema ng Buwan ng Wika, tuluyan nang namamatay ang Ayta Mag-indi, Tagbanwa, Inagta Rinconada; mga wikang ninuno na sinisindak ng sistemang Inglesero.
Ngunit hindi lang ang mga katutubong wika ang nawawala. Pati ang malalim na pag-unawa ni Juan sa sarili niyang pagka-Pilipino ay nauupos.
Ilang paaralan ang marunong magpagunita ng panitikang rebolusyonaryo, hindi lang si Balagtas kundi si Lualhati Bautista. Ilang guro ang nagtuturo ng wika hindi bilang asignatura, kundi bilang sandata ng pakikibaka, bilang paraan ng pagkilala sa sarili? Ilang estudyante ang pinapayagang magsulat ng sanaysay na mula sa sariling puso — hindi isinalin mula sa dikta ng Ingles?
Ang masaklap: pati ang mga guro, nalulong na rin sa pista. Mas abala sa paghahanap ng magaling sumayaw, magpinta, gumawa ng slogan kaysa magaling magsuri. Mas pinapansin ang presentasyon kaysa pagninilay. Ang may magagarbong baro at saya sa Pilipinong sayaw. May checklist sa attendance, pero walang pagsusuri kung ang mga aktibidad ay nakapag-aambag sa pagpapalalim ng wika’t diwa. Ang Buwan ng Wika, sa maraming paaralan, ay nagiging kultura ng pagko-comply, hindi ng pagkakakilanlan.
At habang pinapalaki si Juan sa ganitong kapaligiran, paulit-ulit na ipinagdiriwang ang sarili niyang wika na para bang costume lang itong sinusuot, nagiging banyaga siya sa sariling katauhan. Marunong siyang mag-Ingles, mahusay siya sa akademikong mga sulatin, ngunit hindi niya maipaliwanag kung bakit masakit ang salitang “alila,” o kung ano ang pinagkaiba ng “salinlahi” sa “kabataan.”
Nakapagsasalita siya, ngunit hindi niya alam kung para saan.
Hindi ito simpleng asignatura. Ito’y pagkakakilanlan, paninindigan, at kasaysayan. Ngunit kung hanggang kasuotang makulay at sabayang tula lamang ang ating pagkilala sa Buwan ng Wika, nilalapastangan natin ang mismong adhikaing ating ipinagdiriwang. Kung ang selebrasyon ay hindi nakapupukaw kundi nakapapagod, hindi ito paggunita, ito’y paglilibing sa katahimikan.
Sa bawat guro na mas inuna ang props kaysa pagbasa ng Dekada Sitenta.
Sa bawat estudyanteng marunong bigkasin ang tula pero hindi marunong magtanong kung bakit ito mahalaga.
At sa bawat sistemang nagbibihis ng baro’t saya tuwing Agosto ngunit hubad sa kabuuan ng taon—ito ang ating paniningil.
At ang tanong, kailan titigil si Juan sa pagsayaw, at kailan niya sisimulan ang paglalaban?
Hindi ito pista, hindi beauty pageant at pagalingan sa pagdudula. Hindi ito requirement na napipilitan ang mga estudyanteng magpasa. Ito’y dapat maging pagtanong, pagtindig, at pagkilatis. Ito’y dapat maging panahon ng pagwawaksi sa banyagang tanikala sa isipan, hindi ng pakitang-tao.
Kung hanggang Agosto lang ang ating pagmamahal sa sariling wika, baka sa kasunod na henerasyon, wala nang maniwalang may sarili pa tayong tinig.
Baka bukas makalawa, tayo na rin ang sariling estranghero sa bayan na matagal ipinaglaban — na dumanak muna ng dugo para makalaya at maangkin ang sariling atin.
At sa araw na iyon, wala nang silbi ang barong, ang saya, at ang tula. Dahil mismong si Juan, tuluyan nang pipi.
How did this piece make you feel?
Discussions0
Join the conversation and share your perspectives on this editorial piece.