Hindi lahat ng dumarating ay para manatili. May mga taong liliban pagkatapos kang lunurin sa kanilang mga ngiti, at may mga pagkakataong walang matitirang kahit ano bukod sa bakas ng mga memoryang pinagsaluhan dati.
Mabilis. Iyon ang pag-ikot ng mundo ko sa iyo. Hindi ko na matantiya kung ilang linggo ang lumipas, o kung isang oras lang ba ang pagitan ng bawat gabing napanaginipan ang pangalan mo. Kasabay ng pagdapo ng tingin sa mga alikmatang kasindilim ng gabi ay ang bulong sa isip na nagsasabing, “Panghabang-buhay na siguro tayo.”
Makulit. Iyon ang takbo ng puso tuwing nariyan ka.
Kahit ihip lang ng iyong ngiti ay ramdam sa hangin, kaakibat ng pagtingkad ng dahon sa puno ng akasya kung saan tayo madalas makita. Nakasilong mula sa sinag ng araw o sa kutitap ng bituin—hinihiling sa mga talang pagbigyan na sana’y ikaw ay maging akin.
Mahaba. Iyon ang daang tinahak patungo sa piling mo. Nilipad ko ang langit, inakyat pati bulubundukin, at lumangoy sa ilog kahit pa malabo. Basta maging akin ka, ang limang daang yarda o sampung libong kilometro ay magiging isang dipa lang ang layo. Handa akong sisirin ang kailaliman ng daigdig kung mananatili ka hanggang dulo.
Maikli. Iyon ang itinagal ng oras natin magkasama.
Matulin na tumagak ang butil ng mga buhangin sa sisidlang-salamin, binibilang ang mga araw hanggang wala ka na. Saksi ang kalawakan sa pagtatagpo ng mga labi, sa mga pinakawalang malalim na buntong-hininga. Tayo ay pinagbigyan ng langit na magmahal, bagaman pansamantala.
Walang masama sa pagbitaw, subalit ang kalimutan ka ay hindi ko pa kaya. Patuloy kong babalikan ang mga alaala natin kahit hindi tayo para sa isa't isa, sapagkat sa ilang milyong bituin sa langit—ang mata mo pa rin ang pinaka-paborito kong tala.



