May kurso kayang tungkol sa'yo? Baka sakaling makapag-enroll ako't maka-graduate na sa'yo. Dahil kung meron man, tiyak na ako ang top 1 at aakyat na valedictorian dito. Kahit pa ikaw ang pinakamahirap sa lahat, nakuha ko pa rin ang pumasa sa'yo. Nagawa pa rin kitang aralin at tuklasin ang 'yong bawat sulok.
E ang maka-graduate kaya sa'yo kailan ko magagawa?
Ewan ko ba, taon na ang lumipas pero kilala pa rin kita. Mas kabisado pa kita kaysa sa mga formula sa matematika. Mas naaalala ko pa ang mga paborito mo kaysa sa mga teoryang pinag-aaralan namin. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko.
Wala naman kasing fairy tale sa totoong buhay. Masaklap ito. Mapang-api. Tatapakan ka hanggang sa ikaw na mismo ang sumuko sa pagbangon.
Palagi kang merong ako, pero paano naman akong wala nang ikaw? Paano naman akong naiwan?
Alam kong mahihirapan ako sa paglimot sa'yo dahil patuloy kong inaalala kung paano mo ako pinasaya, at kung paano mo ko tinuruang mahalin ang buhay na muntik ko nang abandonahin. Siguro dahil natutunan ko na ring mahalin ang bawat ikaw—na may parte ka pa rin na nakaukit sa akin.
Sa ngayon, patuloy ko na lang yayakapin ang sakit mong dulot hanggang puso ko na ang kusang sumuko at magsawa. Ito na lamang ang pinanghahawakan ko sa'yo, kaya hayaan mong namnamin ko muna ang sakit, tiiisin ang kirot sa dibdib, at simutin ang luha sa'king mga mata.
Matutunan ko ring tanggapin ang nakalipas na. Matutunan ko ring kalimutan na paborito mo ay kulay dilaw. Na mahilig ka sa pagsulat ng mga tulang ako ang kadalasang laman. At kung paano mong tinanggap ang parteng inakala ko noo’y kahiya-hiya.



